Kagawad patay, pari sugatan sa pananambang sa Laguna

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 11:59 PM | Updated as of Aug 26 2019 01:27 AM

SAN PABLO - Isang barangay kagawad ang patay habang isang pari ang sugatan matapos paulanan ng bala ang isang SUV ng mga salarin na nakamotorsiklo sa San Pablo City, Laguna Lunes.

Kinilala ang nasawi na si Richard Galit, 36, kagawad ng Barangay Concepcion ng lungsod habang ang nasugatan naman si Fr. Emil Larano.

Nakunan ng CCTV ang pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa SUV na nakatigil noon sa isang intersection sa Brgy. IV-A.

Pumanaw sa ospital si Galit dahil sa tama ng bala sa dibdib at tiyan habang nagpapagaling ang pari na may ng tama ng bala sa kaliwang braso.

Wala pang masabi ang pulisya na motibo sa krimen.

Pinag-aaralan na ng pulisya ang kuha ng CCTV para sa mabilis na pagkakakilanlan sa mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.