PatrolPH

Mga bala at silencer, natagpuan sa sinalakay na POGO sa Pasay

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2023 10:35 PM

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang POGO hub sa Pasay City kung saan nasamsam nila ang ilang piraso ng bala, silencer at taser. Johnson Manabat, ABS-CBN News

Ilang piraso ng bala ng baril, silencer at mga taser ang nadiskubre ng mga awtoridad nitong Huwebes sa mga vault ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Pasay City.

Ang naturang POGO hub ay sinalakay noong Agosto 1, kung saan aabot sa 650 empleyado nito ang nadatnan ng mga awtoridad at 17 pugante ang nadiskubre sa kanilang hanay.

Nitong Huwebes, Agosto 17, pinagbubukas ng mga tauhan ng Department of Justice (DOJ) ang mga vault ng POGO hub.

Sa laki ng isa sa mga vault, inabot ng ilang oras bago ito nabuksan kung saan nakita ang mga bala ng baril.

Ayon sa tagapagsalita ng DDOJ, indikasyon ito na bukod sa scam na isinasagawa sa mismong POGO, may ilan pang iligal na aktibidad sa bansa ang mga operator nito.

"May nahanap po kaming mga bala, silencer, at posas and this indicates na itong mga operators na ito ay involved din sa iba pang mga criminal activities. Mayroon tayong narinig dati na kidnappings among POGO operators so mayroon talaga tayong nakikitang criminal activities other than 'yung pag-scam," ani Asec. Mico Clavano.

Dahil dito, aaralin din umano ng mga awtoridad kung anong mga kaso pa ang posibleng isampa laban sa mga responsable dito.

Pasado alas-7 ng gabi nitong Agosto 17 ay umabot na sa 21 sa 32 na vault ang nabuksan na ng mga awtoridad. 

Kabilang ang mga vault na ito sa search warrant na inilabas ng Pasay City court.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.