PatrolPH

Produksyon ng tubo sa Negros Occidental apektado sa mahal na presyo ng pataba

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2022 02:27 PM

Contributed photo
Dumadaing na ang mga magsasaka ng tubo sa Negros Occidental dahil sa mataas na presyo ng pataba. Contributed photo

Nagsimula na ang harvest o milling season sa mga plantasyon ng tubo sa bayan ng Toboso, Negros Occidental.

Pero dumadaing ang mga magsasaka ng tubo dahil apektado ang produksyon sa mataas na presyo ng pataba.

"Pigaw ang harvest karon, dyutay ang produksyon tungod wala kaayo masagod og tarong. Kulang sa fertilizer unya gitipid pud nato ang labor aron ang capital nato mabalik, dili ta maalkanse," ayon sa sugar planter na si Glen Pañares.

(Hindi maganda ang harvest ngayon. Maliit ang produksyon dahil kulang sa alaga ang pananim. Kulang sa fertilizer at tinipid ang labor upang maibalik ang capital at di kami malugi.)

Dahil kulang sa fertilizer at alaga ang plantasyon ng tubo, halos kalahati na lang umano ang naaabot ng produksyon.

Ani Pañares, ang noo'y 60 tonelada kada ektarya na produksyon ng tubo, aabot na lang ngayon ng 32 tonelada dahil magaan na ang timbang nito.

Dagdag pa niya, isang beses na lang sila nag-aabono sa loob ng 10 buwan, imbes na dalawang beses.

Umabot na kasi ng P3,200 ang dating P800 na kada kilo ng pataba.

Ani Pañares, limang araw imbes anim na araw kada linggo nila pinapatanggal ang mga damo sa taniman upang matipid ang bayarin sa mga laborers.

Ayon naman sa laborer na si Julito Caromayan: "Unya luoy kaayo mi mga trabahante, kay barato pa ang suhol, nya gamay rami'g kita."

(Kawawa kaming mga trabahador kasi mura ang bayad, kaya maliit lang ang aming kinikita.)

Ani Caromayan, P1,000 lang ang kikitain niya sa isang linggong pag-aalaga ng pananim sa tubo.

Nananawagan ang mga magsasaka ng tubo na matulungan sila ng gobyerno lalo na sa mataas pa rin na presyo ng pataba.

Ang Negros Island Region ay kilala sa pinakalamaking sugarcane plantation sa Pilipinas. — Ulat ni RC Dalaguit De Vela

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.