Kaso ng bird flu virus sa tao, wala pa: DOH | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Kaso ng bird flu virus sa tao, wala pa: DOH

Kaso ng bird flu virus sa tao, wala pa: DOH

ABS-CBN News

Clipboard

MANILA - Wala pang taong nagkakasakit sanhi ng bird flu virus matapos tamaan ng outbreak ang ilang poultry farms sa Pampanga, ayon sa Department of Health (DOH).

"Sa tao naman po, bihira namang mahawa dito, pero 'yung mga nagha-handle ng may sakit o namatay, o 'yung kakatay po nito ay maaaring mahawa po. Sporadic po 'yan, hindi kaagad nakakahawa po 'yan, puwede pa rin makapag-ingat po," pahayag ni DOH Assistant Secretary Eric Tayag.

Patuloy na binabantayan ng DOH ang bayan ng San Luis sa Pampanga kung saan unang naiulat ang outbreak ng virus.

Sa panayam ng DZMM Sabado ng umaga, sinabi ni Tayag na inaasahan ng DOH na mako-contain ang outbreak.

ADVERTISEMENT

"Ang alam natin sa bird flu virus, mabilis pong kumalat po 'yan. Kaya nga po importante sa mga nag-aalaga ng manok na manatili silang malinis, siguraduhing hindi nasasama 'yung ibang uri ng hayop tulad ng aquatic bird kasi puwedeng doon mahawa po 'yung manok," sabi ni Tayag.

Paliwanag din ni Tayag, kahit pa tinawag itong outbreak, ang bird flu virus ay limitado lamang sa San Luis, Pampanga at hindi kumalat sa buong bansa.

"Ligtas pa pong kumain ng manok, lutuin niyo po ng maigi. Kung may sintomas ng lagnat, pananakit ng lalamunan, ubo lalo na dyan sa San Luis po, mag-report po kayo kaagad," sabi niya.

Lumabas na H5 ang virus na tumama sa San Luis, pero kasalukuyang inaalam pa rin ng DOH kung anong uri ito ng H5.

Mayroon namang mga handang antiviral na gamot ang DOH para sa sinumang posibleng mahawahan ng virus.

"Unang-una, mahirap pong ma-transmit 'yan sa tao sapagkat 'yung virus na 'yan, ang naaapektuhan nga ay mga hayop tulad ng manok," paglilinaw ni Tayag.

Subalit ang may sakit na manok o namatay na manok ay maaaring makapagpasa ng sakit sa pamamagitan ng kanilang laway.

"Maaaring pumasok ang virus sa ilong, bibig, mata o kaya doon sa dumi nila kapag direct contact po at hindi tayo naghuhugas ng kamay, puwede po tayong mahawa," sabi ni Tayag.

Kapag nahawa, 5 hanggang 7 araw umano makakaranas ng lagnat, ubo at sipon na maaaring mauwi sa seryosong kundisyon tulad ng pneumonia, na puwede ring ikamatay.

"Ang aming kalihim, Secretary [Paulyn] Ubial, nagpadala na ng mga epidemiologists. Makikipag-coordinate kami sa DA [Department of Agriculture] at titingnan namin 'yung mga na-expose po at titingnan din namin kung may nagkasakit na [o] may sintomas para makumpirma natin kung 'yan ay mayroon nang kaso sa tao,” sabi ni Tayag.

“Sa ngayon po, sa manok lamang po 'yan," ani Tayag.

Pinayuhan din ni Tayag ang mga may poultry farm na agad na mag-report kapag may mga nagkasakit o nangamatay na mga manok na kanilang alaga para hindi na kumalat pa ang bird flu virus.

"Magka-culling po sila ng lahat ng manok, aquatic birds doon sa 1-km radius para hindi na po mahawa ang iba pang mga manok na hindi pa nagkakaroon ng bird flu virus," ayon sa kanya.

Pinag-iingat din ng DOH ang mga nag-aalaga ng mga manok, mga nagkakatay at ang magsasagawa ng culling sa nasabing lugar dahil puwede silang ma-expose sa virus.

Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na 37,000 na mga ibon, na karamihan ay mga pugo at pato, ang namatay sa anim na poultry farms sa San Luis dahil sa sakit.

Nasa 200,000 naman na ibon sa idineklarang quarantine area ang nakatakdang patayin.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.