Holdaper sa Caloocan, arestado

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2019 08:19 AM | Updated as of Aug 11 2019 08:20 AM

MAYNILA - Timbog ang isang 40-anyos na lalaki na tinuturong sangkot sa serye ng mga holdap sa Caloocan. 

Ayon kay Police Col. Noel Flores, naaresto ang suspek na kinilalang si Roderick Lerio alyas Derek o Ama sa Caimito Road noong Huwebes ng madaling araw. 

Kuwento niya, nagpapatrolya ang mga pulis ng Special Operations Unit sa may Monumento nang makita nila ang suspek at isa pang lalaki na nangholdap at kinuha ang bag ng biktima. 

Magkahiwalay na tumakbo ang dalawa nang habulin ng mga pulis, pero si Lerio lang ang naabutan nila.

Ayon sa pulis, tinangka pang paputukan ni Lerio gamit ng kalibre .38 ang mga humabol sa kanya, pero nag-jam ito. Doon nasakote siya at ang kulay pink na backpack na ninakaw niya. 

Pinaghahanap pa ang kasama nitong si alyas Nunoy. 

Ayon kay Lerio, sa kasamahan niya ang nakuhang baril. Paghahatian dapat nila ang makuha nila sa holdap. 

Dagdag niya, 2 taon na siyang pumapasok sa holdap at minsan snatching. 

Kadalasan nilang tina-target ang mga lalaki na aniya ay hindi papalag sa mga magnanakaw. 

Nahaharap ang suspek sa kasong robbery hold-up at frustrated murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.