MAYNILA — Isang probinsiya na lang sa Pilipinas ang nananatiling COVID-19-free.
Sa datos ng Department of Health (DOH) na pinroseso ng ABS-CBN Investigative and Research Group, lumalabas na sa buong bansa ay tanging ang probinsiya ng Batanes na lang ang nananatiling walang kaso ng COVID-19.
Sa mga probinsiyang dati'y walang naitatalang coronavirus, Masbate ang may pinakamaraming aktibong kaso ngayon na sinundan ng Sarangani.
Labing tatlong probinsiya din ang tila mas dumami ang bilang ng active cases sa loob lang nang dalawang linggo.
Sa Luzon, ito ay ang Abra, Benguet kung saan karamihan ay mula Baguio City, Kalinga, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Quezon province.
Sa Visayas ito ay ang Samar at Leyte. At sa Mindanao, Sarangani at South Cotabato.
Sa huling ulat ng DOH nitong Miyerkoles, pumalo na sa 115,980 ang COVID-19 cases sa bansa matapos magpositibo ang 3,462 pasyente.
Nadagdagan naman ng 222 ang mga nakarekober kaya 66,270 ang mga gumaling sa sakit.
Umabot naman sa 2,123 ang mga nasawi sa sakit matapos mamatay ang 9 pasyente. —Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TV PATROL, TV PATROL TOP, PatrolPh, Tagalog news, balita, Batanes, COVID-19, coronavirus, pandemya