Pulis na nagwala sa vaccination site sa Romblon, inireklamo | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pulis na nagwala sa vaccination site sa Romblon, inireklamo

Pulis na nagwala sa vaccination site sa Romblon, inireklamo

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 04, 2021 03:57 PM PHT

Clipboard

romblon

Sinampahan ng pormal na reklamo ang isang pulis na nagwala sa vaccination site sa bayan ng Magdiwang sa Romblon.

Ayon kay Police Col. Christopher Abecia, Provincial Director ng Romblon Police, kasong administratibo ang isinampa laban kay Patrolman Jerick Recto Rocha.

Sabi ni Abecia, away magkasintahan ang dahilan kaya nagwala ang pulis noong Hulyo 29.

“Nagwala siya doon kasi magpapabakuna yung girlfriend niya. Parang pinaaalis o pinauuwi niya. Ngayon, nung ayaw sumama nung girlfriend, siyempre, gusto ng babae na mabakunahan na, parang nagwala na ito. Ang report, allegedly, lasing.Nakainom siya noon, so nagwala na. Nung pina-pacify nung mga pulis noon, nagre-resist pa siya,” sabi ni Abecia.

Napag-alamang mayroon nang unang naisampang kasong administratibo laban sa nasabing pulis dahil naman sa umano’y pambabastos nito sa dating hepe ng kaniyang himpilan.

Ito ang dahilan kung bakit inilipat ng ibang istasyon ang pulis.

“Si Patrolman Rocha, dating assign yan sa Magdiwang MPS. Ngayon, mayroon isang insidente doon na nahuli siya noong chief-of-police sa Magdiwang MPS. Parang umalis siya sa duty niya. Tinanong siya, pinag-explain. At ang sabi, kakasuhan siya dahil nga doon sa pag-abandon niya dun sa post. Ngayon, parang sumagot siya nang pabalang ba dun sa chief-of-police niya. Dini-dare pa niya yung chief-of-police na, 'Sige, kasuhan mo ako.' So, ganun ang ginawa nung chief-of-police, nag-file siya ng administrative case,” sabi ni Abecia.

Ngayon, bukod sa dalawang administrative case na haharapin ng pulis, haharapin rin niya ang criminal case na alarm and scandal at resisting arrest na naisampa na sa piskalya.

Ani Abecia, malaki ang posibilidad na matanggal ang pulis sa serbisyo.

ADVERTISEMENT

Pero pinag-iisapan ring isailalim ang pulis sa pagsusuri para malaman kung mayroon itong diperensya sa pag-iisip.

“Para masigurado natin, for another neuropsychiatric, baka naman hindi lang talaga - depende kasi yan. Hindi natin alam baka matigas lang ba talaga ang ulo niya, o baka naman meron siyang psychiatric o mental disorder," sabi ni Abecia.

Sa ngayon, naka-assign ang pulis sa San Fernando MPS at naghihintay ng desisyon ng Police Regional Office-Mimaropa.

Sa tala ng PNP-Romblon ngayong taon, ikalawa na si Rocha sa mga pulis na nasampahan ng kasong administratibo.

Nananawagan si Abecia sa mahigit 600 pulis sa probinsya na maging mabuting ehemplo.

”Dapat tayong nauuna, sumusunod sa batas. Tayo ang nauunang nagpapakitang disiplinado tayo. Huwag matigas ang ulo at sumunod sa mga legal na batas at higher headquarters,” sabi ni Abecia.

Nanawagan din siya sa publiko na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng pagre-report sa mga pulis na umaabuso sa kanilang tungkulin.

Tiniyak niyang walang kukunsintihin sa mga mapapatunayang lumalabag sa batas.

- Ulat ni Andrew Bernardo

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.