Libreng tuition sa state universities, colleges, pirmado na ni Duterte | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Libreng tuition sa state universities, colleges, pirmado na ni Duterte

Libreng tuition sa state universities, colleges, pirmado na ni Duterte

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 04, 2017 11:13 PM PHT

Clipboard

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na nagbibigay ng libreng tuition sa state universities at colleges (SUCs) kagabi ng Huwebes, ayon kay Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra.

Isinagawa ni Duterte ang pagpirma sa kabila ng pag-aalangan ng ilang miyembro ng economic team niya sa gagastusin ng gobyerno upang pasanin ang libreng tuition.

Nauna nang sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na maaaring hindi kayanin ng gobyerno na pasanin ang libreng tuition sa SUCs, at maaaring maglabas ng P100 bilyon ang gobyerno kada taon para rito sakaling maging batas ang panukala.

Isinaalang-alang naman umano ng pangulo ang pangmatagalang epekto at benepisyo na idudulot ng libreng tuition sa publiko, ayon kay Guevarra.

ADVERTISEMENT

Dagdag pa ni Guevarra, maaaring ibinase ni Diokno ang kanyang kalkulasyon sa pag-aakalang ipatutupad nang sabay-sabay ang lahat ng aspekto ng batas, kasama na ang mga non-mandatory provision.

Base sa datos ng Commission on Higher Education, kakailanganin ng inisyal na halagang P16 bilyon upang maipatupad ang mga kondisyon ng batas, gaya ng libreng tuition at miscellaneous fees, ani Guevarra.

Ngayong pirmado na ang libreng tuition, nasa Kongreso na ang hamon para hanapan ng pondo ang implementasyon ng batas. Tiniyak din ni House committee on appropriations chair Rep. Karlo Nograles na may lugar para rito sa isinumiteng P3.7 trilyon na proposed budget para sa susunod na taon.

Tinatantiya pa ng Department of Budget and Management kung magkano ang gagastusin ng gobyerno para malaman kung magkano ang maaaring pondohan mula sa 2018 budget.

Kung magkataon, maaaring kailanganin ang isang supplemental budget para rito.

Umaasa na rin ang gobyerno na makatanggap ng tulong at grants mula sa mga lokal at international donors para maipatupad ang batas.

Magiging epektibo man ang batas 15 araw matapos itong maimprenta sa diyaryong na may pangmalawakang sirkulasyon sa bansa, mararamdaman naman umano ang mga benepisyong dulot nito sa susunod na enrollment.

Sa unang semestre pa ng school year 2018-2019 maaaring ipatupad ang libreng tuition dahil hindi retroactive ang implementasyon ng batas, ayon kay Diokno.

Magtatatag naman ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education board ng isang fund upang magbigay ng tulong pinansiyal para sa iba pang gastusin sa pag-aaral, gaya ng mga libro, matitirahan ng estudyante, student loans, at scholarships.

Ang mga bibigyan ng tulong-pinansiyal sa pag-aaral maliban sa libreng tuition ay iyong mga 'bottom 20 percent' ng mga estudyante, o iyong mga nasa pinakamababa ang estado sa buhay.

Mga estudyante, natuwa ngunit nanawagan ng agarang pagpapatupad

Natuwa ang mga estudyante sa pagpirma ni Duterte sa batas sa libreng tuition, ngunit nanawagan ang mga lider-estudyante ng University of the Philippines para sa agarang pagpapatupad ng bagong batas.

Ayon sa isang estudyante ng UP, ngayon pa lang ay nagpapasalamat na siya dahil malaking bagay pa rin ang malibre ng P600 na tuition kada unit para sa kanyang pamilya.

Malaking hakbang din para sa pag-unlad ang puhunang inilaan ng gobyerno sa mga kabataan, ayon sa isang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines.

Sa pagpupulong naman ng mga lider-estudyante kanina, nais na sana ng mga estudyante na ipatupad agad ang bagong batas dahil hanggang ngayon ay maraming estudyante pa rin ang nagbabayad ng tuition.

Dahil din kailangan pang hanapan ng Kongreso ng pondo ang bagong batas, naghahanap na rin ng paraan ang unibersidad upang hindi na pagbayarin pa ang mga estudyante ng kanilang tuition ngayong semestre, ayon kay Jose Dalisay, Vice President ng Public Affairrs ng UP Diliman.

Mayroon ding mga tanong kaugnay sa implementasyon ng batas.

Sa isinagawang rally kaninang umaga, bagama't nagpapasalamat sila sa naging hakbang ng pangulo, kailangan pa ring bantayan ang pagpapatupad nito dahil kuwestiyonable kung saan kukuha ng pondo, lalo't wala sa 2018 budget allocation ang libreng edukasyon. Nangangamba silang baka kinalaunan ay hindi ito masustentuhan.

Magsasagawa pa rin ng kilos-protesta ang mga estudynate at militanteng grupo sa UP Diliman ngayong Biyernes ng gabi para ipagbunyi ang pagkakapasa ng bagong batas na naglilibre sa matrikula at iba pang bayarin sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo.

-- Ulat nina Dharel Placido, Pia Gutierrez, at Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.