PatrolPH

Makati mamamahagi ng libreng flu, pneumonia vaccine

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 01:21 PM | Updated as of Jul 31 2020 07:03 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng Makati ng malawakang flu at pneumonia vaccination driver para mabigyan umano ang mga residente nito ng dagdag na proteksiyon sa COVID-19.

Wala pang schedule kung kailan ang nasabing vaccination pero sa ngayon ay inabisuhan na ang mga residente na mag-sign up sa online registration para sa libreng bakuna.

Kailangan lang umanong magpunta sa Proud Makatizen website, piliin ang "Vaccination Registration," at kumpletuhin ang registration process gamit ang ID number sa Yellow at Blu cards.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, patuloy na nagsasagawa ang lungsod ng mga bagong paraan para makapaghatid ng mga serbisyong pangkalusugan sa higit 500,000 residente ng lungsod.

Mabibigyan aniya ang mga residente ng trivalent flu vaccine na sumasakop sa 3 strain ng influenza.

Nauna nang nabigyan ang higit 5,000 frontliners at essential workers ng Makati City Hall ng libreng bakuna laban sa flu. Nakatakda rin silang bakunahan laban sa pneumonia sa Agosto.

Patuloy ring tumatanggap ng libreng bitamina tulad ng Vitamin C at B-Complex ang mga kawaning pumapasok sa opisina.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.