Baguio City nakararanas ng 2nd wave ng COVID-19 outbreak - Magalong

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 11:01 AM | Updated as of Jul 30 2020 11:02 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Nakararanas ngayon ng 2nd wave ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak ang Baguio City dahil sa pagdami ng bilang ng mga kaso nitong mga nakaraang araw. 

“We have to be very transparent, tinatamaan kami ng 2nd wave ngayon dahil ito nga lang Sunday, 15. In two days, Saturday, Sunday tinamaan kami ng 14 to 15 [kaso],” pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong. 

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo Huwebes ng umaga, sinabi ni Magalong na sa 15 bilang ng naitalang kaso nitong mga nakaraang araw, walo ay empleyado ng bangko. 

Paliwanag ni Magalong na nakita na nila ang posibieng pagtaas ng bilang ng mga kaso may tatlong linggo na ang nakalipas kung kaya’t agad silang nagsagawa ng expanded testing. 

“Last month, mayroon kaming programa na 10 percent per sector. Naging OK po 'yun, maganda 'yung resulta. Inulit namin, different sector naman pero iba-ibang sub-sector naman, granular ginawa namin. Dito namin nakita talaga 'yung 14 to 15,” sabi niya. 
 
Dagdag ng alkalde na bumababa na ito sa ngayon ng mga 3 kaso kada araw. 

Ang mga kaso ay kombinasyon na umano ng pagkahawa mula sa stranded na katao, returning overseas Filipino workers at community transmission. 

Isa rin aniyang pinoproblema nila ngayon ang dealers ng mga gulay at mga isda na labas-masok sa lungsod na posibleng makapagdala ng virus.

Sa ngayon, ang Baguio City ay may 102 kaso ng COVID-19. 

“Dalawa pa lang po ang death namin. In fact, isa lang po kasi 'yung isa namatay talaga sa stroke kasi drug user at very low ang kaniyang viral load,” saad ng alkalde.