Kaanak ng mga nasawi sa tumaob na bangka sa Rizal, humihingi ng hustisya | ABS-CBN

Featured:
|

ADVERTISEMENT

Featured:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Kaanak ng mga nasawi sa tumaob na bangka sa Rizal, humihingi ng hustisya

Kaanak ng mga nasawi sa tumaob na bangka sa Rizal, humihingi ng hustisya

Johnson Manabat,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA - Umakyat na sa 27 ang bilang ng mga namatay na pasahero ng tumaob na motorbanca Princess Aya sa Talim Island sa Binangonan, Rizal Huwebes ng hapon.

Sa tala ng lokal na pamahalaan ng Binangonan, 40 naman ang survivors o mga nakaligtas sa trahedya.

Ang ilang kaanak ng mga nasawi, sumisigaw ng hustisya sa paniwalang mayroong nagpabaya kaya nauwi sa aksidente ang dapat sana’y payapang biyahe sa laot.

Isa sa mga nasawi ay ang 18-anyos na si Erika Lavapie na uuwi sa kanilang pamilya.

ADVERTISEMENT

Inalala pa ng kanyang kapatid na si Eloisa ang mga huli nilang pag-uusap.

“Bago yan umalis, nagpaalam sa akin, tinanong pa nya ako kung okay na ako. Hindi ko naman alam na ganon na yung mangyayari pag-alis nya samin,” sabi ni Eloisa.

Sabay sana silang uuwi ng kapatid sa kanilang pamilya pero si Erika, wala na.

“Overloaded yung bangka. Nasaan ang Coast Guard? Dun sa mga papel na sinusulat nila ang pangalan, dapat nandon lahat, nasaan yung pangalan nung ibang namatay, bakit wala sa listahan nila? Kasi nga ayaw nilang palabasin na overloaded yung bangka. Kaya hihingi kami ng hustisya kung saan man kami makarating,” sabi ni Eloisa.

Dismayado naman ang ilang kaanak ng mga nasawi dahil sa umano’y kahirapan nilang makakuha ng impormasyon kung saan ba talaga dinala ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

ADVERTISEMENT

Si Kaye, mas una pa niyang napanood sa social media ang video ng mga nasawi at kasama dito ang kanyang pamangkin at hipag pero kung saan sila dinala, hindi niya alam.

“Sana po ay inuna muna yung concern ng mga namatayan, yun pang po yung aking kinakagalit kasi kanina pa po ako hanap ng hanap, pinagpapasa-pasahan ako sabi daw mamaya daw dadating yung commander,” sabi ni Kaye.

Tumutugma naman ang kuwento ng survivor na si John Mark Delos Reyes sa ulat ng mga awtoridad, pero aminado siyang wala silang mga suot na life vest.

“Ang sakay po ng bangka is more than 50-60. Hindi po kami naka-life vest. Yung life vest is nakasabit lang don sa may bangka. Nung nasa karagatan na, lumakas yung unos, ang nangyari po yung bangka tumagilid na so lahat po kami nagpanic, nabali po yung katig,” sabi ni Delos Reyes.

Una nang sinabi ng Philippine Coast Guard na pinayagang pumalaot ang bangka dahil wala naman nang nakataas na signal ng bagyo sa lugar.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.