PatrolPH

Mga labi ng nabaril na ADMU security guard iuuwi sa Misamis Occidental

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2022 08:57 PM

MAYNILA - Napagdesisyunan ng pamilya ng napaslang na Ateneo de Manila University (ADMU) security guard na si Jeneven Bandiala na iuwi ang kaniyang mga labi sa Lopez Jaena, Misamis Occidental.

Watch more News on iWantTFC

Ayon kay Cristina Mascardo, asawa ni Bandiala, matagal na nilang nais makauwi sa probinsya. Noong 2009 nang magkatrabaho si Mascarda at Bandiala sa isang mall sa Tutuban, Manila bilang security guards.

"Doon muna po siya iburol sa kanilang probinsya," ani Mascardo.

Itinuring nang tunay na anak ni Bandiala ang anak ni Mascardo.

"Tanggap niya po ang anak ko at plano niyang pag-aralin sa isang unibersidad. Kaso ngayon, iniwan niya na po ako. Mahihirapan po ako," sabi ni Mascardo.

Tiniyak ng Megaforce Security Services Corporation na sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa burol at transportasyon ng mga labi ni Bandiala.

ADMU security guard iuuwi sa Misamis Occidental

Ayon kay Wilfredo Molles, group operations manager ng Megaforce, hindi bababa sa P100,000 ang ipaabot nilang pinansyal na tulong sa pamilya ni Bandiala. Hindi pa umano kasama rito ang matatanggap mula sa insurance.

"Definitely, we will not be running with our obligations. Dadalhin daw sa province ang cadaver so we committed to shoulder yung transportation expenses. Ang agency rin sasagot sa any expenses dito sa wake funeral," ani Molles.

Kinilala ng ahensya si Bandiala bilang "hardworking" at "dedicated" na empleyado.

ADMU security guard iuuwi sa Misamis Occidental

Samantala, isang donation campaign ang binuo ng ADMU community para ipaabot sa pamilya ni Bandiala.

ADMU security guard iuuwi sa Misamis Occidental

Simula nitong Lunes hanggang sa Martes ng susunod na Linggo ay magdaraos ng Novena Mass sa Ateneo para sa mga biktima ng nangyaring pamamaril nitong Linggo, ika-24 ng Hulyo.

Bukod kay Bandiala, namatay rin ang dating alkalde ng Lamitan City, Basilan na si Rose Furigay at ang kaniyang long-time aide na si Victor Capistrano. Sugatan naman ang anak ni Furigay na si Hannah.

Nangyari ang pamamaril bago magsimula ang graduation ng Ateneo Law School class of 2022, kung saan kabahagi si Hannah.

Kinilala ang suspek sa krimen na si Dr. Chao Tiao Yumol, 38, na may galit sa mga Furigay.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.