Iginiit ng Department of Health (DOH) na seryosohin ang kanilang mga panawagan na mag-ingat laban sa sakit na dengue, lalo at may mataas na bilang ang mga kaso nito sa unang 7 buwan ng taon.
Nakapagtala ang DOH ng 115,986 kaso ng dengue sa buong bansa simula Enero 1 hanggang Hulyo 6.
Umabot na rin sa 491 ang bilang ng mga namatay dahil sa sakit, ayon sa datos ng DOH.
Lumagpas naman sa epidemic threshold ang mga rehiyon ng Calabarzon, Bicol region, Western Visayas, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Ibig sabihin, marami na ang kaso sa mga rehiyon na ito ngayon kumpara noong nakaraang 5 taon.
Lumagpas naman sa alert threshold ang mga rehiyon ng Central Luzon, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Ferchito Avelino, direktor ng DOH Epidemiology Bureau, may tamang paraan din na dapat sundin para mas epektibo ang fogging, isang paraan ng pagpatay sa mga lamok.
"Ang pag-fog po ay hindi sa kalye at sa labas ng bahay," ani Avelino.
"Ginagawa po ito sa loob ng bahay at dapat talagang pinupuntirya iyong madidilim at kulob na lugar," dagdag ni Avelino.
Nilinaw din ni Avelino na walang bagong strain ng dengue.
Nagdeklara noong Hulyo 15 ang DOH ng national dengue alert dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng sakit sa ilang rehiyon. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, kalusugan, Department of Health, dengue, dengue alert, TV Patrol, Raphael Bosano, TV Patrol Top, fogging