Pagdagsa ng mga dayuhan sa itatayong POGO hub sa Cavite ikinabahala

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 11:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nababahala ang ilang residente ng Kawit, Cavite sa pagpapatayo ng panibagong sentro ng operasyon ng mga Philippine offshore gaming operations (POGO) sa lugar dahil sa inaasahang pagdagsa ng libo-libong foreign workers. 

Inaasahang magbubukas ng mahigit-kumulang 50,000 trabaho para sa Chinese at iba pang foreign nationals ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa pasilidad, na tatawaging PAGCOR POGO Hub Covelandia. 

Pawang mga foreign workers ang ookupa sa mga call center positions dito dahil sa ibang bansa isinasagawa ang online betting. 

Dahil dito, pangamba ng ilan, tulad ni Evelyn Egreso, na hindi sila mapapabigyan ng trabaho. 

"Sana magtayo sila ng para sa mga Pilipinong walang trabaho," aniya. 

Nangamba naman si Reyzelyn Engreso na hindi sila makapasok sa lugar, na noo’y isang leisure park, sa pagtatapos ng tinatawag nilang "POGO Island." 

Nagkatrabaho naman ang ilang kinuha para sa construction ng "POGO Island." Pero alam nilang pansamantala lang ang pakinabang nilang trabaho rito. 

Umaaray din ang ilang mangingisda tulad ni Belen Cinco, na simula noong simulan ang konstruksiyon ng lugar ay wala nang mahuling isda sa karatig-tubig ng itatayong POGO hub.

"Dati, abot-kamay na namin 'yong mga isda, 'yong mga lamang-dagat ngayon wala na," ani Cinco. 

Nauna nang nagbabala si Sen. Leila De Lima na maaaring dito magsimula ang unti-unting pananakop ng Tsina kapag lumawak pa ang mabibili at maookupang lupa ng mga Chinese investor.

"For now, it's just 32 hectares but this could be the start of a possible colonization if they decide to purchase and occupy more lands in different parts of the country,” aniya.

Pero iginiit naman ng PAGCOR na dinisenyo ang pasilidad para mas madaling ma-monitor ang industriya at hindi ito makaabala sa mga Pilipino. 

"Ang mga Pilipino kasi hindi sanay na maraming foreigners na andito sa atin na nagtatrabaho. Iko-contain natin within the hub iyong employees," ani Joey Tria, na nangangasiwa ng POGO para sa PAGCOR. 

Iginiit naman ni Andrea Domingo, president at CEO ng PAGCOR, na may iba pang alok na trabaho ang POGO na "high end" para sa mga Philippine workers gaya ng supervising positions o iyong mangangasiwa talaga sa trabaho ng mga POGO workers. 

Giit pa ng PAGCOR na P700 milyon ang ipinapasok na pera ng online gaming sa bansa kada buwan. 

Nagsimula ang pagpapatayo ng pasilidad noong 2018 at magtatagal ito nang limang taon. 

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.