PatrolPH

Warrantless arrest guidelines vs QC quarantine violators inilabas ng LGU

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 09:06 PM

Watch more on iWantTFC

Naglabas ng panuntunan ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pag-aresto ng mga lalabag sa community quarantine protocols ng LGU, dahil sa pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sa mga patakarang ibinaba ni Quezon City Mayor Joy Belmonte noong Hulyo 13, sinasabing maaaring gawin ang warrantless arrest ng mga pulis, opisyal, at tanod ng mga barangay maging ang mga pribadong mamamayan. 

"Ever since na na-issue itong mga ordinansang ito, kasama na po talaga natin ang ating kapulisan mula QCPD sa pag-implement at pag-enforce ng mga ordinansang ito na may kinalaman lalo na ngayon sa health measures sa ating paglaban kontra nitong COVID-19 pandemic," ani QC Assistant City Administrator Alberto Kimpo. 

Paalala ni Kimpo na may mga ordinansa ang lungsod kung saan nililimitahan sa 10 ang mga mass gathering- ang City Ordinance No. SP-2934 s.2020. Kung hihigit pa rito, kailangan na ng permit. 

Pinaaalalahanan din ni Kimpo ang Quezon City Ordinance No. SP-2908 s.2020 kung saan kinakailangang magsuot ng face mask ang mga residente sa mga pampublikong lugar. 

May hiwalay ding ordinansa sa curfew maging sa pagbebenta ng nakalalasing na inumin. 

Sang-ayon ang National Union of People's Lawyers na dapat tugunan ng pamahalaan ang pandemya pero maaaring kuwestiyunin ang legal na basehan ng guidelines para sa agarang pag-aresto. 

"Guidelines siya ha, memorandum siya, hindi siya ordinance, so doon pa lang meron na tayong, bilang abugado, meron na tayong katanungan bagama't idinikit niya sa mga umiiral an ordinansa. Ang saklaw niya, very general, mass gathering, wearing of face masks, saka social distancing, etc," ani Olalia. 

Paliwanag ni Olalia, ang RA 1132 o ”Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act" ang madalas na ikinakaso laban sa mga lumalabag pero dalawang kaso na ang na-dismiss dahil sa maling paggamit umano ng batas na ito. 
    
Hinimok ng NUPL na palakasin na lamang ang information drive laban sa coronavirus at sitahin na lang ang mga lumalabag, imbis na arestuhin ang mga ito. 

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.