2 patay sa pag-araro ng AUV sa mga tindero sa San Jose del Monte

Anjo Bagaoisan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 12:49 AM | Updated as of Jul 14 2020 09:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Dalawa ang patay at hindi bababa sa 3 ang sugatan matapos mang-araro ang isang AUV sa sidewalk na may mga fruit stall at tindero sa Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte, Bulacan nitong Lunes ng gabi.

Kuwento ng nakakitang si Jethro Sanpedro, hinabol ng mga nakakita ang sasakyan matapos unang bumangga sa isang tindahan ng saging sa naturang sidewalk sa Sapang Palay Road. 

Pero imbes na makatakas, dumiretso ang sasakyan sa kabilang sidewalk at namangga ng iba pang nagtitinda roon. 

Dead on the spot ang tindera na si Jovelyn Vasquez, 29, habang namatay naman sa ospital ang kanyang live-in partner na si Jonaver Adaza.

Sugatan naman ang iba pang nagtitinda sa lugar katulad nina Jericho Ibob at Arnel Castillo.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakainom ang driver. 
Pero depensa naman ng driver ay nawalan siya ng kontrol sa sasakyan.

Nagpapagaling na sa ospital ang mga sugatan habang mahaharap sa patong patong na kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple and physical injuries, at damage to properties ang driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.