PatrolPH

Kapitan, mga opisyal ng cargo ship na nakabangga sa Pinoy fishing vessel kinasuhan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 12:14 PM | Updated as of Jul 06 2020 01:47 PM

(UPDATE) Sinampahan ng kaso ngayong Lunes ang kapitan at ang mga opisyal ng Hong Kong-registered cargo ship na nakabangga ng isang fishing vessel, na naging dahilan sa pagkawala ng 14 na Filipino na mangingisda.

Kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property ang isinampa sa Occidental Mindoro Prosecutor’s Office ng Philippine Coast Guard laban sa kapitan ng MV Vienna Wood N na si Zhang Weiwei.

Damay din sa kaso ang mga opisyal ng barko na sina Shi Bin, Yi Lei, at Yang Xifeng, at ang kompanya ng barko.

Sa pagsampa ng kaso, nagsilbing testigo ang 4 na divers ng PCG na unang sumisid sa barko habang bahagya pa itong nakalutang ilang oras matapos ang banggaan.

Tumestigo rin ang 2 mangingisda na unang mga nakarating sa pinangyarihan ng banggaan.

Bagaman hindi nakita ng mga testigo ang aktuwal na banggaan, sila umano ang magpapatunay na may nangyaring banggaan dahil inabutan pa nila na bahagyang nakalutang ang fishing vessel na Liberty 5 at nasa lugar din ang MV Vienna Wood N.

Noong Hunyo 28, nagkabanggaan ang cargo ship at fishing vessel sa dagat sa may Mamburao.

Sa ngayon, nananatiling nakaangkla ang cargo ship sa Batangas Bay at hindi pinapayagan ng PCG na makaalis.

Patuloy rin ang search and retrieval operations ng mga awtoridad sa dagat na sakop ng Mamburao at mga kalapit na lugar para sa 14 na mangingisdang sakay ng nabanggang bangka.

Ayon kay Mario Mulingbayan, disaster officer ng Occidental Mindoro, sinisid na ng mga technical diver ng Philippine Maritime Group ang pinaglubugan ng Liberty 5 pero wala silang nakita.

Nasa 106 feet lang ang nakayang sisirin ng mga diver gayong ang lalim ng pinaglubugan ay nasa 940 feet.

Noong mga nakaraang araw, mga banyera pa lamang ng isda mula sa Libery 5 ang natatagpuan.

May nakita na ring life vest na may nakapangalan sa Liberty 5 sa may dagat sa Lubang Island.

Hanggang Martes na lang ang itatagal ng search and retrieval operations. -- May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.