PatrolPH

LRT-2 may alok na 2 linggong libreng sakay sa Antipolo, Marikina stations

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2021 12:12 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Simula ngayong araw ng Lunes, ika-5 ng Hulyo, may alok na libreng sakay ang pamunuan ng LRT-2 sa mga pasaherong sasakay sa mga bago nilang estasyon -- Marikina at Antipolo Stations -- na bahagi ng kanilang extension project.

Magtatagal ito ng dalawang linggo o hanggang Hulyo 18, 2021.

Sa abisong inilabas ng LRT-2 sa kanilang official page, kailangang kumuha ng “free ride coupon” ng mga pasaherong sasakay sa Antipolo, Marikina, hanggang sa Santolan Station. May teller sa mga estasyon na puwede nilang lapitan para sa mga coupon. 

Shuttle train ang bumabiyahe sa mga nasabing estasyon. Ibig sabihin, nakahiwalay pa ito sa mga tren na bumabiyahe mula Katipunan Avenue hanggang Recto Avenue.

Kaya naman pagbaba ng pasahero sa Santolan Station, kailangan nilang lumipat sa platform 2 para makasakay sa panibagong tren na magdadala sa kanila sa iba pang estasyon ng LRT-2 mula Katipunan hanggang Recto. Dapat nang gumamit ng stored value card o single journey ticket para rito.

Sa ngayon, hindi pa gano'n karami ang mga pasahero na sumasakay sa Marikina Station. Mahigpit ang safety protocols kung saan hindi puwedeng sumakay nang walang face mask at face shield.

Sa mga may karagdagang tanong, maaaring tumawag sa kanilang hotline na 8647-3452. -- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.