Drug suspects, 'pinaghubad, pinatuwad' ng pulis | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Drug suspects, 'pinaghubad, pinatuwad' ng pulis

Drug suspects, 'pinaghubad, pinatuwad' ng pulis

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 24, 2019 05:24 PM PHT

Clipboard

Pinaalis sa puwesto nitong Miyerkoles ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang tatlong pulis-Makati na nakuhanan ng video na pinaghuhubad at pinatutuwad ang ilan sa mga umano'y nahuli sa mga operasyon kontra droga.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon kay Eleazar, malinaw na nilabag ng mga pulis ang tamang protocol sa pagkapkap sa nahuling mga suspek.

"Puwedeng sabihin na ini-inspect itong katawan noong mga nahuling suspect... Pero hindi ganoon, na iyong babae mismo ay hubo't hubad sa harap ng mga lalaki at nakita natin na para sila ay nagtatawanan pa," ani Eleazar.

Sa video na ibinigay sa ABS-CBN News ni alyas "Gary," makikitang pinatutuwad ang isang babaeng nakahubad sa opisina ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati police habang tinatawanan ng ilang pulis.

ADVERTISEMENT

Dati umanong kasamahan sa serbisyo ni Gary ang mga pulis na nasa video.

"Pagka babae ka usually pinaghuhubad ka, bubulatlatin 'yong puwet mo, lahat. Pagtatawanan ka ng mga pulis na nandoon," kuwento ni Gary.

Ibinahagi rin ang retrato ng isa pang lalaking pinaghubad at pinatuwad din ng mga sangkot na pulis.

Ayon kay Gary, ang mga pinaghubad at pinatuwad ay nahuli nila sa mga operasyon kontra droga sa lungsod.

Kuha ang mga video at retrato noong Marso 2017.

Samantala, pinatawag at kinausap na ng hepe ng Makati police ang lahat ng miyembro ng SDEU.

Pinahahanap na rin ni Southern Police District director Chief Superintendent Tomas Apolinario ang mga drug suspect na pinaghubad para marinig ang kanilang panig.

Ayon sa kaniya, mahalagang manaig pa rin ang respeto sa karapatan ng bawat tao kahit pa kriminal.

"Kailangan kausapin natin iyong naging biktima para ma-relay sa 'tin iyong nangyari," ani Apolinario.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng mga pulis na tinukoy ni Gary sa video pero hindi sumasagot ang mga ito.

Mahaharap ang mga sangkot na pulis sa reklamong grave misconduct at posible pang matanggal sa serbisyo.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.