Kuha ng Bureau of Jail Management and Penology Davao Region
DAVAO CITY - Nakitaan ng hinihinalang shabu ang isang basketball na itinapon sa bubong ng male dormitory ng Davao City Jail noong Sabado.
Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology Davao Region, napansin ng mga duty searchers sa kanilang regular na jail activity ang malakas na kalabog mula sa bubong at nahulog ang isang bola.
Napag-alamang binutasan ang bola at nakita ang umano'y droga na ibinalot ng electrical tape.
Ayon sa BJMP, nakuha mula sa loob ng bola ang 6 na pakete ng hinihinalang shabu.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy kung sino ang nagpadala nito at ang tatanggap sana ng kontrabando sa loob ng jail facility.
Nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency ang umano'y shabu.
Palalakasin naman ng BJMP ang security measures sa jail facility bilang pagtugon matapos ang insidente ng pagpuslit ng kontrabando.
KAUGNAY NA ULAT
-- Ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, Regional news, Regions, basketball, bola, Davao City Jail, male dormitory, Davao City, shabu, drugs, contraband