Magpapatupad ang ilang paaralan sa Navotas ng modular distance learning sa darating na pasukan. Sa ilalim ng sistema, ihahatid sa bahay ng mga estudyante ang mga aaraling printed module. ABS-CBN News
MAYNILA — Umarangkada ngayong Lunes ang simulation o pagsubok ng isang pampublikong paaralan sa Navotas sa pagpapatupad ng modular distance learning.
Sa ilalim ng modular distance learning plan ng Navotas, ipadadala ng mga paaralan ang mga learning activity sheet at iba pang school supplies sa bahay ng mga estudyante sa tulong ng mga guro at barangay official.
"Ang modules... inihahanda ng [school] division office ng Navotas katulong ang mga adviser at master teacher," ani Christina Robles, principal ng Navotas National High School.
"Ito ay inimprenta bilang paghahanda at pagpapakita na kaya namin gawin ang modified modular learning ng aming division," dagdag ni Robles.
Ayon kay Navotas Mayor Toby Tiangco, kailangang isagawa ang simulation para matugunan ang mga makikitang problema sa bagong sistema ng pagkatuto bago magsimula ang pasukan sa Agosto 24.
Nagpahayag naman ng pangamba ang ilang magulang kung matututo ba ang kanilang mga bata sa bagong sistema.
"Mahirap po para sa mga bata mawawalan kasi sila, tulad ng kaibigan nila sa school," ani Arlene Cerdino, na may anak na elementary school student.
Mayroon namang mask, face shield, gloves at iba pang protective gear ang mga guro na nagbahay-bahay para maihatid ng learning modules. Katuwang ng mga guro ang mga barangay tanod.
"Bale sa isang linggo kung susuwertihin, 2 beses [magbabahay-bahay] kasi kukunin namin ang resulta sa pagsagot ng modules at bibigyan namin sila ng bago," anang guro na si Rosalinda Jocson.
Ayon kay Mayor Tiangco, tinitingnan ng lokal na pamahalaan ang pagkuha sa tricycle o pedicab driver para tumulong sa paghahatid ng learning module.
Bukod sa printed modules, nakatakda ring gumamit ang mga paaralan ng digital module, online platform, telebisyon at radyo para maghatid ng lesson sa mga estudyante sa darating na pasukan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, edukasyon, education, distance learning, modular distance learning, Navotas, Navotas National High School, metro