MAYNILA — Pinaiimbestigahan na ngayon ng Department of Health (DOH) ang insidente sa isang viral video kung saan kitang hindi naipasok ng nurse ang bakuna sa syringe, kahit itinusok na ito sa braso ng nagpapabakuna.
Noong weekend kumalat ang video pero bigo ang ABS-CBN News na matukoy kung sino ito at ang pinagmulang LGU.
Pero nitong Lunes, inamin na mismo ni Makati Mayor Abby Binay na nangyari ito sa isa nilang vaccination center noong Biyernes.
Sabado ay pumunta sa kanilang tanggapan ang nagpabakunang babae para ipakita ang video at muli naman siyang binakunahan.
Sabi ni Binay, hindi umano namalayan ng frontliner na hindi naiturok ang bakuna.
"Tao lang ang ating frontliners. Napapagod sila. Nagkakamali. Ang mahalaga, naayos agad ang pagkakamali. Humingi sya ng patawad at siya naman ay pinatawad... Mahigit isang taon nang nagtatrabaho ang ating frontliners at sa totoo lang napakahirap kumuha ng vaccinators ngayon," sabi ng alkalde.
Pinaiimbestigahan na rin ng DOH ang pangyayaring posibleng breach sa vaccination protocol.
"It can be attributed to an honest error on the part na nakalimutan itusok 'yung karga... But this certainly warrants further investigation," sabi ni DOH Secretary Francisco Duque III.
Pinaalalahanan din ng DOH ang mga vaccinator na maging maingat sa pagbabakuna.
Sinabi rin ni Duque na kapag nagpapabakuna, silipin ang syringe na itinusok sa braso kung naubos ba ang karga nito.
—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, bakuna, vaccine, Makati City, LGU, local government, local government unit, DOH, viral, Department of Health, Abby Binay, TV Patrol, Kori Quintos