PatrolPH

VIRAL: Babae hindi nag-alinlangang magpadede sa umiiyak na sanggol ng pulubi

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2021 02:05 PM | Updated as of Jun 29 2021 05:05 PM

VIRAL: Babae hindi nag-alinlangang magpadede sa umiiyak na sanggol ng pulubi 1
Larawan mula kay Gina Borbor.

BUTUAN CITY – Umani ng positibong reaksyon ang post ng isang netizen na si Gina Borbor hinggil na sa pagtulong ng isang guro sa isang mag-ina sa labas ng isang mall sa lungsod.

Ayon kay Borbor, naghihintay siya ng kanyang ka-meet up sa ibinebentang hopia nang makita niya ang isang pulubing may kargang umiiyak na sanggol. 

Sa tantiya niya, umiiyak ang bata dahil gutom na ito at walang mailabas na gatas ang ina matapos nitong sinubukang ipa-breastfeed. Gusto mang tumulong ni Borbor na i-breastfeed ang bata pero wala siyang gatas.

Aniya, marami na ang dumaang indibidwal na nababahala din sa walang tigil na pag-iyak ng bata. 

Habang naghahanap ng paraan si Borbor na makatulong sa bata, nakita niya ang isang babaeng lumapit sa mag-ina at doon naantig ang kaniyang damdamin nang kunin ng babae ang bata at naghanap sila ng pwesto upang mapa-breastfeed ang batang anak ng pulubi. 

Tumahan agad sa pag-iyak ang bata matapos itong mapa-breastfeed ng babae.

Umabot na sa mahigit 31,000 shares, 68,900 reactions at mahigit sa 5,000 ang comments ng naturang post. 
 
Ayon kay Borbor, ang babae ay kinilalang si Jeralyn Gubalani na taga-Bunawan, Agusan del Sur. 

Sa kanyang post sa Facebook, hindi niya inakalang magte-trending ang kaniyang ginawang pag-breastfeed sa sanggol. Nakita niya umano kung gaano ka gutom ang sanggol dahil marami itong nakuhang gatas. 

Umaasa si Borbor na marami pa ang kagaya ni Gubalani na hindi magdadalawang-isip na tumulong lalo na sa mga nangangailangan.

–Ulat ni Lorilly Charmane D. Awitan

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.