Mga taga-Pigcawayan, natatakot umuwi | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga taga-Pigcawayan, natatakot umuwi

Mga taga-Pigcawayan, natatakot umuwi

ABS-CBN News

Clipboard

Hindi pa rin bumabalik ang mga residente sa mga barangay sa Pigcawayan, North Cotabato dalawang araw matapos ang ginawang pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Ikinuwento pa ng ilang residenteng naipit sa bakbakan ang kanilang naging karanasan.

Naniniwala naman ang 6th Infantry Division na walang matibay na ugnayan sa pagitan ng BIFF sa Maguindanao at mga Maute sa Marawi City.

Halos walang katao-tao ang barangay Malagakit at Simsiman sa Pigcawayan, maliban na lang sa ilang tropa ng sundalo at pulis na nagbabantay sa lugar.

ADVERTISEMENT

Tatlong araw nang kanselado ang klase sa mga paaralan. Butas naman ang bubong ng ilang bahay matapos tamaan ng mga bala.

May umuwi mang residente, iyon ay upang maghakot lamang ng kanilang mga gamit.

"Bumalik kami dito para kunin na lang itong mga importante kasi narinig ko lang sa mga tao na babalik pa daw sila, yung mga 'freedom', kaya aalis na kami. Baka maulit," ayon kay Zaiton Abdulgani, isa sa mga residenteng lumikas.

Sa Pigcawayan National Highschool kasalukuyang nananatili ang mahigit 500 residenteng naapektuhan ng bakbakan.

Isa rito si Marchita Delasan, isa sa mga naipit sa bakbakan noong Miyerkoles.

Aniya, pinasok ng BIFF ang kanilang bahay, saka pinalabas. Habang naglalakad, kita umano nila ang mga armado sa mga dinadaanang bahay, day care center, at barangay hall.

Bagama't hindi sinaktan, ginawa umano silang 'human shield'.

"Noong nagputukan na, pinadapa kami. Sabi, ingat, dapa. Mga 10 a.m. na, pinalabas kami doon kaya para kapag may dumaan na spy plane, hindi kami bombahin. Pag binomba kami, kasama rin kayo," kuwento ni Delasan.

BIFF at Maute, hindi malinaw ang ugnayan

Hindi pa matiyak sa ngayon kung may kaugnayan ang paglusob ng BIFF sa Pigcawayan, North Cotabato sa atake ng grupong Maute sa Marawi.

"Sa ngayon, di pa malinaw 'yung ngayon ebidensiyang nakukuha namin kung may direkta bang partisipasyon ng Maute group sa Marawi sa bakbakan sa Pigcawayan Cotabato. Pero may mga nakukuha tayong report na may kaugnayan na yan," ayon kay Dr. Rommel Banlaoi, chairman ng Philippine Institute for Peace, Violence, and Terrorism Research.

Wala namang nakikitang matibay na ugnayan ang militar sa pagitan ng BIFF at grupong Maute sa Marawi.

Dalawa ang kinikilalang lider ngayon ng BIFF na sina Commander Bongos at Commander Karialan.

Isang Abu Turayfie din mula sa BIFF ang nagtatag ng isa pang grupo na tinawag na Jamaatul Muhajireen Wal Ansar.

"Noong nagkaroon kasi, hinikayat ni Abu Turayfie 'yung ibang kasamahan niya na umanib dito sa ISIS group, pero ayaw ng ibang grupo na sumali kaya hindi naging matagumpay 'yung sinasabing nakipagkaisa sa ISIS group," ayon kay Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division.

Nahuli naman ng militar ang dalawang miyembro ng BIFF na lulan ng bangka sa ilog ng Datu Salibo, Maguindanao, bandang alas-10 ng gabi noong Miyerkoles.

Sa ginawang interogasyon ng militar sa kanila na kinilalang sina Jahren Mantukay at Badrudin Limba, galing umano ang dalawa sa pakikipagbakbakan sa Pigcawayan, North Cotabato. Nakakuha rin ang militar ng shabu at mga baril sa bangka ng mga ito.

Pinagalaw na rin ng Police Regional Office 12 ang Task Group Pigcawayan para pangunahan at i-monitor ang sitwasyon matapos na ikamatay ng isang sibilyan, isang miyembro ng CAFGU, at umano'y anim na miyemro ng BIFF ang bakbakan.

-- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.