Angat Dam nasa kritikal na lebel na, alokasyon ng tubig babawasan muli | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

News

Angat Dam nasa kritikal na lebel na, alokasyon ng tubig babawasan muli

Angat Dam nasa kritikal na lebel na, alokasyon ng tubig babawasan muli

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 22, 2019 07:58 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Ipatutupad ngayong Sabado ang karagdagang pagbabawas sa alokasyon ng tubig na nanggagaling sa Angat Dam matapos umabot sa kritikal na lebel ang tubig dito.

"Ngayong umaga, alas-6, 159.78 (meters) ang level sa Angat Dam. Ibig pong sabihin nito patuloy siyang bumababa kaya po ang pagbabawas natin ng alokasyon mula 40 cubic meters per second hanggang 36 cubic meters per second effective today," ayon kay Dr. Sevillo David Jr., executive director ng National Water Resources Board.

Paliwanag ni David na ang normal na alokasyon mula sa Angat Dam patungong MWSS at concessionaires nito ay 46 cubic meters per second.

"Itong mga nakaraang araw, 40 cubic meters per second at nakita po natin na nagkaroon na ng epekto, hindi na normal 'yung serbisyo ng water supply sa Metro Manila," sabi ni David.

ADVERTISEMENT

Sa karagdagang pagbabawas sa alokasyon na 36 cubic meters per second, inaasahan na magkakaroon ng panibagong pagbabago sa serbisyo at posibleng lumawak pa ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng hindi normal na supply ng tubig.

Bukod sa domestic use, ang Angat Dam ay nagbibigay din ng tubig para sa irigasyon ng mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga.

"Multi-purpose dam ang Angat. Ang gumagamit po niyan ay 'yung irigasyon para sa magsasaka sa Bulacan at Pampanga na sa ngayon, ganitong patuloy na pagbaba ng level, ay suspendido ang pagbibigay natin ng alokasyon para sa irigasyon na nagsimula noong bumaba sa minimum operating level na 180 (meters) noong May 10," sabi ni David.

Kapag bumaba na ang lebel ng tubig sa 180 meters, mas binibigyang prayoridad ang alokasyon ng tubig para sa domestic supply sa Metro Manila.

"Kaya nga po sa patuloy na pagbaba niya, umabot na rin po doon sa critical na level na 160 (meters) ay pati sa domestic naapektuhan at nagkakaroon ng patuloy na kabawasan sa alokasyon," aniya.

Umaabot sa 0.4 meters hanggang 0.5 meters ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam kada araw lalo na't wala pang pag-ulan para mapunan muli ito.

Sabi ni David na ang pinakamababang antas ng lebel ng tubig na inabot ng Angat Dam ay noong taong 2010.

"Ayon sa mga record natin, ang pinaka-lowest po na na-attain niyang 157.57 nangyari noong July 2010, panahon din po ng El Niño," sabi ni David.

Ang pagbabawas sa alokasyon ay isa sa mga contingency plans na ginagawa nila para ma-manage ang limitadong nakapondong tubig hanggang sa umabot sa panahon ng tag-ulan.

Bukod sa pag-recycle ng tubig para mas makatipid, mas mabuti rin aniya kung makahanap pa ng alternatibong pagkukunan ng tubig.

"Dahil po sa paglago ng population at development lalo na po dito sa Metro Manila at karatig-bayan at probinsiya ay kailangan na rin po ng makapag-identify at makapag-develop ng karagdagang alternatibong panggagalingan ng tubig. Sa ngayon, halos 96 percent ng tubig dito sa Metro Manila ay sa Angat nanggagaling,” sabi niya.

Ang pag-develop ng panibagong mga reservoir o dam aniya ang magtitiyak sa seguridad sa supply ng tubig sa Metro Manila.

“Para matugunan ang kasalukuyang pangangailangan at future needs natin,” sabi niya.

Matatandaang noong Marso at Abril ay nakaranas ng kakulangan ng suplay ng tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila, at ilang linggong nagpatupad ng rotational water interruption.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.