PatrolPH

Dolomite beach muling magbubukas sa June 12

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2022 04:58 PM

MANILA — Puspusan na ang paghahanda sa Manila Bay Walk Dolomite Beach, na inaasahang muling magbubukas sa publiko sa June 12, Araw ng Kalayaan.

Pinipinturahan na ang mga bakod, tuloy-tuloy ang paglilinis, at pinapantay at inilalatag nang maayos ang mga buhangin.

Nakahilera na rin ang mga ilalagay na bike rack at bollards.

Kahit nakasara pa at napakainit ng panahon, may ilang mga napunta na nais sanang mamasyal sa loob ng dolomite beach pero hindi sila pinayagan ng mga security guard.

Kaya hanggang selfie at groufie na lang ang nagawa ng mga namasyal.

Magpupulong pa ang mga pulis para plantsahin ang latag ng seguridad at para malaman kung ilan ang ide-deploy nila.

Pero una nang nagpaalala ang Manila Bay Coordinating Office na ang muling pagbubukas ng beach ay para lamang sa pamamasyal, paglalakad at panonood ng sunset at hindi para sa pagligo doon.

Paalala rin ng Department of Enviroment and Natutal Resources (DENR) na sa muling pagbubukas ng dolomite beach ay mahigpit pa ring paiiralin ang health protocols kontra COVID-19.

Mainam na magsuot ng face mask, at hangga’t maaari anila ay dapat fully vaccinated na.

Nasa 1,500 hanggang 3,500 na katao ang papayagang makapasok sa tukoy na mga oras sa kahabaan ng 500-meter dolomite beach upang matiyak na masusunod ang minimum health protocols.

Kasabay naman ng pagbubukas ng dolomite beach sa Linggo ang pagpapasinaya ng World War II Heritage Cannon sa Remedios area.

Ang Heritage Cannon ay isa sa mga orihinal na kanyon noong World War II mula sa Fort Drum Island na matatagpuan ngayon sa may bukana ng Manila Bay.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.