Barangay sa bayan ng Lawaan sa Eastern Samar, isinailalim sa total lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 11:24 AM | Updated as of Jun 09 2021 01:22 PM

Situation in Maslog, Lawaan, Eastern Samar on Wednesday, June 9, 2021. Courtesy of Vergel Elacion

Simula na ngayong Miyerkoles ang pagpapatupad ng total lockdown sa isang barangay sa bayan ng Lawaan sa Eastern Samar laban sa pagkalat ng COVID-19.

Sa kautusan na ibinaba ni Mayor Athene Mendros, inilagay ngayon sa total lockdown ang Barangay Maslog hanggang Hunyo 24.
 
Ito'y matapos na makapagtala ng 15 bagong kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay.

Kasabay nito, ipinatutupad ang curfew hours sa buong bayan ng Lawaan mula 8:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.

Sa nasabing EO pinagbabawalan din ang mga residenteng may edad 18 taong gulang pababa at mga senior citizens na lumabas ng bahay.

Ipinag-utos din ng alkalde na ipasara pansamantala ang business establishments at suspension ng team sports events.
 
Ipinagbabawal din ang mass gatherings sa loob ng 14 na araw.

Pinapayuhan din ang mga residente na sumunod sa mga health protocols gaya ng social distancing, pagsuot ng face mask at face shield, paggamit ng alcohol at paghugas palagi ng kamay.

- Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.