PatrolPH

PANOORIN: Mall security guard, nabundol at nasagasaan ng SUV na pinatigil sa traffic

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2022 12:34 AM

Watch more News on iWantTFC
Courtesy of Ralph Centeno

Dinala sa ospital ang isang security guard ng isang mall sa Mandaluyong City nitong Linggo matapos itong mabundol at masagasaan ng isang SUV na pinatigil niya habang nagsasaayos ng traffic. 

Ayon sa salaysay ni Ralph Centeno, driver ng katabing sasakyan nang nanagasang SUV, hindi nila akalain na sasagasaang tuluyan ang security guard.

"Pinatigil kami pareho para dumaan yung pasalubong (na sasakyan). For some reason, yung RAV 4 ayaw niya tumigil. Binundol niya, tapos nung bumagsak, sinagasaan pa. Kitang kita ko dumaan ang gulong sa torso ng mama," dagdag pa ni Centeno.

Binalikan ni Centeno ang lugar pagkahatid niya sa kanyang mag-ina at inabutan na niya na nasa wheelchair na ang biktima. 

Sa cellphone video naman ni Katherine Kaye, makikitang ginulungan sa katawan ang security guard.

Agad naman may rumespondeng ambulansiya. 

Ayon sa Facebook post ni Chris Soriano, kasamahan sa security agency ng biktima, under observation pa ngayon sa pagamutan ang security guard. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.