OFW, patay sa paragliding accident sa Georgia

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 03:53 PM

Bulaklak, kandila at dasal ang inalay ng pamilya habang hinihintay ang pagdating ng mga labi ng OFW. Chrisel Almonia, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY – Isang overseas Filipino worker ang namatay sa paragliding accident habang nagbabakasyon sa Gudauri, Georgia noong Sabado.

Ayon sa pamilya, nagkaroon umano ng problema ang sinakyang paraglider ng 38-anyos na OFW na si Bryan Vale De Guzman na nahulog sa ilog na puno ng bato.

Sa bahay ng pamilya De Guzman sa Barangay Divisoria nagsama-sama naman ang ilang kaanak upang makipag-luksa. Bulaklak, kandila at dasal ang inalay ng pamilya habang hinihintay ang pagdating ng kaniyang mga labi.

Ayon sa kaniyang ina na si Elsie De Guzman, hindi nila matanggap na patay na ang panganay na anak. Isinalarawan siya ng ina bilang napakabait at responsableng anak.

“Very thoughtful, monthly nagpapadala ng support sa amin dito. Very supportive talaga, very responsible talaga ng anak ko,” sabi ni Elsie.

May 10 taon nang nagtatrabaho bilang nurse sa Saudi Arabia ang OFW at naisipan nitong magbakasyon noong nakaraang linggo sa Georgia. Unang subok niya sana sa paragliding kasama ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho pero nauwi sa trahedya.

“Night before they left, tumawag siya sa amin, nagpaalam kasi aalis na sila. Sabi niya tatawag siya ulit pero hindi na siya tumawag. Hinihintay ko yung tawag niya. Pero wala na, hindi na tumawag," dagdag ng kaniyang ina.

Wala pang inilalabas na resulta ng imbestigasyon ang pulisya sa Georgia. Hinihintay pa rin ang resulta ng autopsy sa biktima.

Umaasa ang pamilya na mabibigyang-linaw ang totoong nangyari sa aksidente at totoong dahilan ng pagkamatay ni Bryan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.