PatrolPH

Imbes na backride: DILG ipinayo ang pagkakabit ng sidecar

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 04:59 PM

MAYNILA — Ipinapanukala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang paggamit ng mga sidecar sa motor ngayong hindi pa rin pinapayagan ang backride o pag-angkas sa motorsiklo. 

Ani Año, lagyan na lang ng sidecar ang motor o bisikleta para masunod pa rin ang physical distancing. 

"Lagyan na lang ng sidecar ang motor puwede na niya isama ang kaniyang misis, ganun nalang po solution habang andiyan pa ang virus," ani Año.

Paliwanag ni Año, maaari naman maglagay ng ruta kung saan maaaring payagan bumiyahe ang mga nakamotor o bisikleta na may side car. 

Humihingi naman ng dispensa si Año kung hindi pa maaaring mapayagan ang pag-aangkas dahil malaking paglabag aniya ito sa physical distancing. 

Aniya, unti-unting inaayos ng gobyerno ang transportasyon sa ilalim ng new normal.

Hindi rin maaaring agad-agad payagan na ibalik ang ilang nakagawian na dahil hindi kayang isugal ng pamahalaan na marami ang magkahawaan ng COVID-19 —Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.