PatrolPH

SUV sumalpok sa isang tindahan sa Kalinga; 2 patay, 2 sugatan

ABS-CBN News

Posted at May 29 2022 10:07 AM

Sumalpok ang isang sasakyan sa isang tindahan sa Tabuk City, Kalinga nitong ika-28 ng Mayo 2022 na ikinamatay ng isang babae at 6 na buwan nitong sanggol, at ikinasugat ng dalawang iba pang tao, ayon sa pulisya. Retrato mula sa Kalinga Police Provincial Office
Sumalpok ang isang sasakyan sa isang tindahan sa Tabuk City, Kalinga nitong ika-28 ng Mayo 2022 na ikinamatay ng isang babae at 6 na buwan nitong sanggol, at ikinasugat ng dalawang iba pang tao, ayon sa pulisya. Retrato mula sa Kalinga Police Provincial Office

Patay ang 39-anyos na babae at kaniyang 6 na buwang sanggol na anak, habang sugatan ang dalawa nilang kaanak matapos sumalpok sa tindahang kanilang kinaroroonan sa Tabuk City, Kalinga ang isang sasakyan nitong Sabado.

Ayon kay Police Major Garry Gayamos, Public Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office, nakaupo ang ina karga ang kaniyang anak, kasama ang dalawang kamag-anak sa harap ng isang tindahan sa Barangay Bulo nang mabangga sila ng isang SUV. 

Sabi ni Gayamos, mag-o-overtake sana ang SUV sa kaniyang sinusundang sasakyan pero bigla umano itong lumiko.

Nabigla umano ang driver ng SUV. At sa halip na preno ay accelerator ang naapakan nito kaya dumiretso sa tindahan.

"Hindi niya nakita na 'yung i-o-overtake niya ay biglang liliko, papasok sa daanan na papunta ng isang sitio ng Bulo. Nabigla ito," ani Gayamos.

"Magpe-preno sana. Pero ang nakita ng imbestigador natin ay ang naapakan niya ay ang accelerator kaya tumulin 'yung takbo," dagdag niya.

Isinugod sa ospital ang ina pero dineklara itong dead on arrival. Nasawi naman ang anak nito habang ginagamot.

Ang dalawang sugatan naman, na may edad 15 at 28, ay nagpapagaling pa sa ospital.
 
Sa lakas ng impact ay wasak ang pader ng tindahan at nayupi ang harapang bahagi ng SUV.

Sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries, at damage to property ang driver ng SUV.

- Ulat ni Grace Alba

MULA SA ARCHIVE

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.