Mga internet shop sa QC planong gawing blended learning centers

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 04:46 PM | Updated as of May 29 2020 05:19 PM

MAYNILA - Planong gawing learning center ang mga Internet shop sa Quezon City sa papasok na school year, ngayong isinusulong ng gobyerno ang blended learning methods para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Paliwanag ni Aly Medalla, educational affairs head ng QC LGU, ito ay para sa mga estudyanteng hindi makabili ng mga laptop. 

Kaakibat din ng kanilang plano ang paggamit ng modules o mga babasahin ng mga estudyante na puwedeng iuwi para sa self-study, na maaaring kuhanin sa mga learning depots sa barangay library o barangay hall. 

"The plan is ang modules, mayroon tayong learning depots Kung saan pwede ito kunin ng mga magulang na mas malapit sa kanilang tahanan," ani Medalla. 

Ang ilang residente, may agam-agam sa isinusulong ng LGU sa bagal umano ng internet sa bansa, gaya ni Greg Ilhino, isang tricycle driver.

"Kung sa computer shop naman ano kasiguruhan ko Naman na mag-aaral nang maayos anak ko ang wifi ba natin enough ba mukhang malabo pa rin yan baka magkagastos lang ako sa wala," ani Ilhino. 

Sang-ayon dito ang may-ari ng internet shop na si Christian Naguit, kahit pa man dalawang buwan nang natengga ang kaniyang kita dahil sa ECQ. 

"Alam mo kahit napakaganda at napakalakas ng internet mo dumarating ang time na mag-hang halimbawa nagtuturo titser mo Sabi nga iba importante eh, tapos bigla ka nag-hang bigla nagpa-quiz ang titser online ano isasagot mo eh nag-hang nga," ani Naguit. 

Ayon kay Medalla, magkakaroon ng oras sa isang araw kung saan gagamitin ang mga Internet shop sa pag-aaral ng mga estudyante. 

May mga nagbabantay naman daw sa mga estudyante. Sagot ng LGU ang bayarin para sa mga internet shop.

"For certain periods of the day for example sa umaga 'yung lean time nila kung di masyado maraming customer 'yun kukunin namin time slot," ani Medalla. 

Sa susunod na linggo planong makipagpulong ng QC local government sa mga Internet shop. 

Suspendido ang face-to-face learning sa ngayon, habang naka-lockdown ang bansa sa harap ng banta ng coronavirus. 

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.