Nawawalang Grab driver natagpuang patay sa condo sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natagpuang patay sa isang condominium unit sa Cainta, Rizal ang isang babaeng Grab driver na halos isang linggo nang nawawala, sabi ngayong Martes ng pulisya.

Nahanap noong alas-4 ng hapon ng Linggo ang bangkay ni Maria Cristina Palanca sa ilalim ng lababo sa condominium unit sa Barangay San Andres.

Ito ay matapos ireklamo ng ibang nakatira sa condominium ang masangsang na amoy na nanggagaling sa unit.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na matapos maghatid ng pasahero noong Huwebes, Mayo 23, mula sa isang mall sa Mandaluyong City papuntang Pasig City, nagtungo si Palanca sa nasabing condominium.

Nakuhanan ng surveillance camera ang pagbaba ni Palanca sa sasakyan at pagpasok sa gusali nang mag-isa.

Umakyat si Palanca, anang pulisya, sa unit ng isang Paolo Largado at makalipas ang isang oras ay namataan si Largado na lumabas ng condominium.

Nawala rin noong Huwebes sa global positioning system ng Grab ang sasakyan ng biktima.

Pangunahing suspek sa kaso si Largado, na mula noong puntahan ni Palanca ay hindi na nagpakita sa condominium.

Nanawagan si Police Lt. Col. Alvin Consolacion, hepe ng Cainta police, kay Largado na lumantad at bigyang linaw ang nangyari kay Palanca.

Nawawala pa rin ang kotseng minamaneho ni Palanca. Inabisuhan na ang Highway Patrol Group ng Rizal province ukol sa sasakyan.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.