Panalangin para sa kapayapaan, nangibabaw sa Ramadan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

Panalangin para sa kapayapaan, nangibabaw sa Ramadan

Panalangin para sa kapayapaan, nangibabaw sa Ramadan

ABS-CBN News

Clipboard

Sa Marawi City sana sisimulan ng guro na si Mening Dimaporo ang Ramadan kasama ang kaniyang pamilya, pero nauwi siya sa loob ng madrasah o paaralan kasama ng kaniyang mga tinuturuang bata sa kalapit na Iligan City.

Inilipat muna niya ang kaniyang pamilya sa bayan ng Marantao para mas ligtas. Laman ng kaniyang mga panalangin ngayon kay Allah, matapos na ang gulo sa Marawi at wala nang madamay pang sibilyan.

Sa umpisa ng Ramadan, sa halip na makapagdasal sa mga mosque, napasabak sa paglikas ang maraming pamilya mula sa Marawi. May mga nagkahiwa-hiwalay dahil sa bakbakan. Nakituloy ang iba sa mga kaanak sa Iligan o sa Cagayan De Oro. Mayroon ding lumikas muna sa evacuation centers, tulad ng 2,000 pamilyang nasa Saguiaran, Lanao Del Sur.

Seguridad sa Quiapo, pinaigting

Mahigpit ang seguridad sa paligid ng Golden Mosque sa Maynila. Magdamagan ang mga checkpoint at patuloy ang pagronda ng mga pulis para mapanatili ang katahimikan at pagiging banal ng Ramadan.

ADVERTISEMENT

Ang Ramadan ay ang ika-siyam na buwan sa Islamic Calendar kung kailan inoobserbahan ang pag-aayuno at mas taimtim na pagdarasal ng lahat ng Muslim.

Opisyal na nagsimula ang pag-aayuno pasado alas kuwatro ng madaling araw at magtatagal hanggang takipsilim. Kasama sa pag-aayuno ang hindi pag-inom ng alak, paninigarilyo, at pakikipagtalik.

Matapos ang serye ng pagdarasal sa umaga, isasagawa naman sa gabi ang Tarawi prayer.

Matatapos ang Ramadan sa pagdiriwang ng Eid'l Fitr sa Hunyo.

Ulat nina Jeff Canoy at Bianca Dava, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.