Apat na taon na ang nakalilipas mula nang mag-umpisa ang Marawi siege, hindi pa rin nahahanap ni Meralyn Tome ang kaniyang mister na si Jamil.
Kasama si Jamil sa mga construction worker na naipit sa bakbakan sa pagitan ng militar at mga rebeldeng Maute.
Pina-DNA test na ang 2 anak ni Jamil at Meralyn pero walang nag-match sa mga labi na narekober mula sa bakbakan.
"Sobrang sakit kasi 'di ba kadalasan 'pag namatay asawa natin, dapat malagay sa katawan sa tamang lalagyan. Ngayon 'di namin alam buto-buto, di namin makita," sabi ni Meralyn.
Wala ring death certificate na nakuha si Meralyn.
Nakatanggap siya ng P100,000 ayuda mula sa gobyerno, na nakatulong umano para itaguyod ang mga anak kahit papaano.
Sa Maqbara Cemetery nakahimlay ang halos 300 bangkay mula sa 5-buwang Marawi siege na walang pagkakakilanlan hanggang sa ngayon.
Numero lang ang palatandaan sa kanilang mga libingan.
Nitong Linggo, nagtipon-tipon ang iba't-ibang grupo kasama ang iba pang mga nawawalan ng kamag-anak para mag-alay ng dasal at ipanawagan sa gobyerno ang pag-identify sa mga labi.
"Kawawa naman itong mga kamag-anak, 'di sila mapakali, matahimik hangga't 'di malaman kung sino-sino sila," sabi ng Grand Imam na si Saad Ibrahim Amate.
Sa huling pahayag ng Philippine National Police (PNP) sa Northern Mindanao, 470 unidentified remains ang kanilang prinoseso pero 4 lang ang nag-match sa 124 na kamag-anak na lumapit at nagpa-DNA test.
"What I suggested to Task Force Bangon Marawi is that we need an information drive across the Philippines and not just limit the call in Marawi and Lanao Del Sur," sabi ni Col. Ruel Vacaro, hepe ng crime laboratory ng PNP-Northern Mindanao.
Hindi rin makapag-claim ng mga benepisyo at pensyon ang mga pamilya dahil wala silang maipakitang pruweba sa nangyari sa kanilang mahal sa buhay.
Ayon kay Marawi City Mayor Majul Gandamra, marami ring kaanak ng mga nawala ang ayaw lumantad at magpa-DNA dahil baka mapagkakamalang Maute ang mga namatay at mapagbuntunan sila ng sisi.
Sa Camp Ranao, inalala naman ang 168 na sundalo at pulis na nasawi sa bakbakan.
-- Ulat nina Jeff Canoy, ABS-CBN News at Roxanne Arevalo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regions, regional news, Marawi, Marawi siege, Marawi anniversary, Marawi rehabilitation, TV Patrol, Jeff Canoy, TV Patrol Top