PatrolPH

Bangkay ng lalaki nalambat ng mga mangingisda sa dagat sa Romblon

ABS-CBN News

Posted at May 22 2021 02:49 PM

Bangkay ng lalaki nalambat ng mga mangingisda sa dagat sa Romblon 1
Romblon Police Provincial Office

ODIONGAN, Romblon— Nalambat ng dalawang mangingisda ang katawan ng isang lalaki sa dagat na sakop ng Barangay Poctoy sa Bayan ng Odiongan, Romblon hapon noong Miyerkoles. 

Sa imbestigasyon ng pulis, nangingisda sina Junard Gabriel at Niel Orencio nang matapakan ni Niel ang katawan na nasa ilalim ng tubig.

Kinilala ang bangkay na si Felix Perez, 57, biyudo, isang karpintero at residente ng Sitio Baito ng nasabing Barangay. 

Agad nilang hinila at dinala sa pampang ang katawan at dinala sa Romblon Provincial Hospital. 

Pero idineklara na itong dead on arrival, sabi ni Dr. Hanna Morgado, ang naging attending physician.

Walang anumang sugat na nakita sa katawan ni Perez.

Bago makita ang kanyang katawan, nasabi sa mga pulis na nakita ito noong umaga ng Miyerkoles na umiinom ng alak. 

Nagluluksa ang pamilya nito na agad namang kinilala ang bangkay.

Hindi na ipinagpatuloy ang post-mortem examination sa bangkay ng biktima dahil kumbinsido ang pamilya na walang foul play sa pagkamatay nito.

— Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.