Supporter ni Duterte, nanguna sa mga nanalong party-list

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanguna sa karera ng mga party-list sa 2019 midterm elections ang grupong sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte, at bina-back-up-an ng media personality na si Erwin Tulfo. 

Nilinaw ng isang nominado ng grupong ACT-CIS o Anti-Crime and Terrorism Through Community Involvement and Support
na bagaman sumusuporta sila kay Duterte, hindi sila party-list ng administrasyon.

Pero sino nga ba ang mga nasa likod ng grupong ACT-CIS, at ano nga ba ang kanilang mga adbokasiya?

Dati nang naupong party-list ang ACT-CIS noong 2013 at nagsilbing nominee nito si dating Police Gen. Samuel Pagdilao, pero natalo ang grupo noong 2016.

Noong isang taon, binili ng negosyanteng taga-Davao na si Eric Yap — na kaibigan ni Tulfo — ang ACT-CIS kay Pagdilao. Doon napagpasiyahan nina Yap at Tulfo na ituloy ang laban sa Kongreso.

Si Yap ang unang nominee, ang asawa ni Raffy Tulfo na si Jocelyn ang ikalawang nominee, habang ang broadcaster na si Niña Taduran ang third nominee.

Dahil nakatanggap ng 9.45 porsiyentong boto, lahat ng 3 nominee ng grupo ay mauupo bilang kongresista.

Kailangan ng isang party-list group ng 2 porsiyento ng lahat ng boto para makakuha ng isang slot sa Kamara sa unang round ng seat allocation.

Kinakatawan daw ng grupo ang mga naaapi, mahihirap, at mga overseas Filipino worker.

"Uunahin namin sa aming agenda 'yong ibalik ang death penalty," ani Taduran.

"Sisiguraduhin naming mabibigyan ng kaparusahan ang mga heinous crimes," dagdag niya.

Pero nilinaw ni Taduran na kahit sumusuporta sila kay Duterte, hindi sila party-list ng administrasyon.

Tutol daw sila sa pagbaba ng edad ng pananagutan o criminal responsibility at sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

"Mainam na rebisahin 'yan kasi 'di ba? Nakita na hindi epektibo, maraming loopholes," ani Taduran.

Aprubado raw sa grupo ang P750 minimum wage increase at pag-aaralan pa raw nila kung susuportahan ang pederalismong porma ng gobyerno.

Naniniwala si Taduran na ang programa ni Raffy Tulfo sa radyo, television ad ni Erwin, at ang boto ng mga OFW ang dahilan kung bakit sila nanguna sa party-list race.

 PAGBABAGO SA PARTY-LIST

Pero para kay Jean Franco, propesor ng political science sa University of the Philippines, napapanahon na para tingnan kung dapat pa bang may party-list sa Kongreso.

"It really has to be either abolished or amended so that it serves the purpose it should serve," ani Franco.

"Na-hijack na siya ng traditional politicians and political dynasties," dagdag ni Franco.

Panahon na rin, ani Franco, para gawin ang mga reporma sa mga batas ukol sa halalan, lalo at 3 taon na lang at pipili na ulit ang mga Pinoy ng bagong pinuno.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here