Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang barangay kagawad sa Maynila na nanaksak umano ng isang residenteng nangungulit sa gitna ng pamimigay ng ayuda.
Sa kuha ng CCTV noong hapon ng Linggo, mapapanood ang paglapit ng residente ng Barangay 106 na si Moises Tabilog, na noo'y lasing, kay kagawad Arturo Magtalas para umano manghingi ng form ng social amelioration program.
Nakuhanan din ng CCTV ang pagbatok ni Magtalas kay Tabilog hanggang sa nauwi na ang dalawa sa suntukan sa kalsada.
Inawat ng mga opisyal ng barangay ang kagawad at residente pero kalaunan ay pinuntahan ni Magtalas si Tabilog sa bahay nito at sinaksak ang residente.
Nagpapagaling sa ospital si Tabilog, na balak sampahan ng kaso ang kagawad.
Ipinayo naman ni Romeo Bagay, Manila barangay bureau chief, sa mga opisyal ng barangay na pairalin ang maximum tolerance pagdating sa mga makulit na residente. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Manila, Tondo, pananaksak, stabbing, CCTV, kagawad, barangay kagawad, metro, metro crime, TV Patrol, Zyann Ambrosio