MAYNILA (UPDATE) - Inaresto ang isang guro sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales nitong Lunes matapos ito mag-post sa kaniyang Twitter account ng pagbabanta umano sa buhay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gamit ang isang pribadong Twitter account, nag-post umano ang public school teacher na handa siyang magbigay ng P50-million na reward sa makapapatay sa Pangulo.
Unang nag-imbestiga ang National Bureau of Investigation-Dagupan sa lungsod, pero natunton nila ang pagkakakilanlan ng guro sa Barangay Poblacion Norte, Sta. Cruz, Zambales noong Lunes.
Itinanggi ng suspek noong una ang kaniyang post ngunit kalauna’y inamin din ito at humingi ng paumanhin.
Ayon sa kaniya, nagawa lamang daw niya ito para makakuha ng atensyon at pansin.
“Nagso-sorry po [ako] kay Presidente Rodrigo Duterte at nagawa (ko) ito, iyong tweet na iyon, hindi ko po intensyon iyon, hindi ko po intensyon iyon," aniya.
“Sa totoo po kasi, iyong Twitter iyong nagiging saloobin ko, pero walang pumapansin kaya nagawa ko iyon.”
Burado na ang Twitter account ng suspek pero maraming netizen ang nakapag-screenshot nito at hawak na rin ng NBI ang ebidensya.
Idineretso sa NBI Central Office ang suspek para sa inquest proceedings. Sumama rin ang kaniyang mga magulang.
Sasampahan ng kasong paglabag sa cybercrime law ang suspek na posibleng maharap sa pagkakulong at multang hindi bababa sa P200,000.
“Ngayon nire-review ng aming legal, iyong aking recommendation ay to file inciting to sedition in relation to cybercrime at saka iyong violation ng ethical standards for public officials, he being a public school teacher," ani Rizaldy Jaymalin, hepe ng NBI-Dagupan. -- Ulat nina Joanna Tacason at Johnson Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, Rodrigo Duterte, NBI, National Bureau of Investigation, Zambales, social media, inciting to sedition, cybercrime, TV Patrol, Zhander Cayabyab