PatrolPH

500 indibidwal nagsauli ng nakuhang cash aid sa GenSan para sa mga mas nangangailangan

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 11:02 AM | Updated as of May 12 2020 11:07 AM

Watch more on iWantTFC

Aabot sa 500 indibidwal sa General Santos City ang nagsauli ng nakuha nilang cash aid mula sa social amelioration program ng gobyerno ngayong may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Batay ito sa tala ng City Social Welfare Office ng lungsod, na umano’y dinagsa ng mga nagbabalik ng kanilang cash aid. 

Isa rito ang residenteng si Gilda Imbong. Aniya, may anak siyang overseas Filipino worker at nakakatanggap ng pensiyon ang kaniyang mister kaya minabuti niyang isauli para sa mga mas nangangailangan ang salapi. 

Kasama rin sa mga pumunta si Romeo Buscas, na nagsabing nakatanggap ng ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamilya. 

Ayon sa CSWD, hindi pa matiyak kung maibabalik ang pera sa tamang benepisyaryo dahil natapos na ang pamimigay ng SAP sa lungsod. 

Pero anila, nagpapasalamat sila sa mga naging tapat at nagsauli ng ayuda sa gitna ng krisis. 

Kasalukuyang nasa general community quarantine ang General Santos City hanggang Mayo 15. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.