Panalo sa pagka-alkalde ng bayan ng Dolores sa Eastern Samar ang market vendor na si Rodrigo Rivera nitong Halalan 2022. Tinalo niya ang isang doktor. Retrato mula sa Facebook account ni Mayor-elect Rodrigo Rivera
(UPDATE) Isang market vendor ang nanalo sa labanan sa pagka-alkalde sa Dolores, Eastern Samar nitong Halalan 2022.
Tinalo ni mayor-elect Rodrigo Rivera, isang independent candidate, ang doktor na si Zaldy Carpeso, na taga-PDP-Laban.
Nakakuha si Rivera ng 11,508 boto, samantalang 10,946 naman ang kay Carpeso.
"Titikangan ta an lamrag nga magpapakita han Doloresnon hin maupay nga serbisyo," ani Rivera sa kaniyang Facebook account.
(Sisimulan na natin ang liwanag sa pamamagitan ng pagpapakita sa mga taga-Dolores ng mahusay na serbisyo.)
Sa panayam sa TeleRadyo Lunes, Mayo 16, sinabi ni Rivera na sa kaniyang termino ay tututukan niya ang sektor ng agrikultura.
"Kagaya ng pagbibigay ng libreng fertilizer at dagdag pa na streetlights. Pagbibigay ng libreng patubig, sasakyan, pagdagdag ng ospital at eskwelahan at ayusin ang kalsada kagaya ng farm-to-market road," aniya.
Naging barangay chairman din siya sa Dolores bago tumakbo sa pagka-alkalde.
Ang outgoing mayor na si Shonny Niño Carpeso ay tumakbo sa pagka-bise alkalde na walang katunggali. Bagaman isa lang na boto ang kakailanganin ng mga unopposed candidates para iproklamang panalo, umabot pa rin sa 13,275 ang kaniyang nakuhang boto.
Ang Dolores ay isang third class municipality na nakaharap sa Pacific Ocean.
- May ulat ni Jenette Ruedas
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.