MAYNILA - Dapat asahan ang pagbabago sa pangangampanya na maituturing na "superspreader event" gaya ng mga political rally sa paparating na halalan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
"Because of the COVID situation magkakaroon ng changes sa actual campaign. 'Yung mga kampanya where the candidates will be there, rallies, etcetera. Hindi na y'an kagaya noong dati kasi alam mo naman kinatatakutan natin dito 'yung superspreader events. Campaigns will be superspreader events," ani Comelec Commissioner Antonio Kho.
Ayon naman kay Comelec Spokesperson James Jimenez, maglalagay sila ng mga panuntunan sa pagpunta sa mga political rally.
"We will be proposing and putting into place guidelines that will restrict kung kakayanin ng mga tao na mag-gather sa public rallies," ani Jimenez.
"Dapat ay mayroong limit doon sa puwedeng mag-attend. Of course, i-insist natin na kailangan kung mag-a-attend ka, dapat naka-face mask at face shield ka," dagdag niya.
Tutol din ang Department of Health (DOH) sa ano mang uri ng mass gathering sa panahon ng kampanya at halalan, lalo na kung maliit na bahagi pa rin ng populasyon ang makakatanggap ng bakuna.
"It’s not just the wearing of face mask, face shield we're talking about but also making sure that we practice physical distancing and more importantly, no mass gatherings until perhaps after a lot of us have been vaccinated," ani DOH Health Promotion and Communications Director Dr. Beverly Ho.
Nagpaalala rin ang DOH na tiyaking maliit ang mga pagtitipon at idaos ang mga ito sa lugar na maayos ang bentilasyon o nakakalabas-pasok ang sariwang hangin.
Para kay Ho, malaki ang responsibilidad ng mga campaign organizer.
"Doon sa pag-set up niyo pa lang ng area mame-make sure niyo na makakapag-physical distance po - so those types of mechanisms are what we would be expecting from responsible organizers of these events and hopefully they will be very, very small," ani Ho.
Muli namang binuksan ng Comelec ang voter registration sa mga lugar na naka-general at modified general community quarantine.
Gagawin ito mula Lunes hanggang Biyernes sa mga tanggapan ng Comelec mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Gagawin naman ito sa mga satellite registration site tuwing Sabado.
Aabot sa 3.6 milyong mga botante ang nagparehistro na para sa susunod na halalan. Sa tingin ng Comelec, maaabot nito ang target na 5 milyong bagong botante bago ang deadline ng rehistrasyon sa Setyembre 30.
— Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Comelec, Commission on Elections, superspreader event, Elections 2022, kampanya, campaign, health protocol, eleksyon, eleksiyon, halalan, halalan2022, #Halalan2022, TV PATROL