Humihingi ng tulong ang pangkat ng mga katutubong Aeta sa Barangay Sta. Ana sa Capas, Tarlac dahil wala na umano silang pagkain at gatas. Isay Reyes, ABS-CBN News
Nangangailangan ng pagkain at gatas ang pangkat ng mga katutubong Aeta sa Capas, Tarlac.
Sa pagbisita ng ABS-CBN sa komunidad ng mga Aeta sa Sitio Yayang, Barangay Sta. Juliana, naikuwento ng mga residente na halos wala na silang makain.
Walang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lugar pero bawal lumabas sa bayan ang mga katutubo dahil sa ipinatutupad na lockdown.
"Kung wala po kaming pagkain, pumupunta po kami sa bundok kumukuha po ng kamoteng kahoy para may pangkain po kami," ani Berchie Ocampo, isa sa mga residente ng komunidad.
Wala nang supply ng gatas para sa mga sanggol ng komunidad. Isay Reyes, ABS-CBN News
Sa dami rin ng sanggol sa kanilang komunidad, naubusan na rin ng supply ng gatas ang mga ina roon.
Ayon kay Manilyn dela Cruz, na may 6 na anak, kape ang pinapainom niya sa ibang mga anak.
"Hindi po sila nakakatulog kapag kape lang ang pinapainom ko sa kanila," aniya.
Ayon sa lider ng komunidad na si Arthur Garcia, hindi lahat ng 200 tahanan sa kanilang komunidad ay benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Humihingi ng tulong ang pangkat ng mga katutubong Aeta sa Barangay Sta. Ana sa Capas, Tarlac dahil wala na umano silang pagkain at gatas. Isay Reyes, ABS-CBN News
May mga hindi rin nakatatanggap ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development.
Iginiit naman ng chairperson ng Barangay Sta. Juliana na si June Lenon na hindi nila pinapabayaan ang mga katutubo.
Ang P6,500 na ayuda mula sa SAP ay idineretso na raw sa ATM ng mga benepisyaryo ng 4Ps.
Nang ma-extend ang pamimigay ng SAP, ayon sa barangay, hinabol na nilang maisumite ang iba pang pangalan.
"'Pag dating dito samin, kami mismo dine-deliver namin sa bundok, hindi na nila kailangan bumaba," ani Lenon.
Anim na beses na rin umanong namigay ng relief goods ang barangay sa mga residente.
Para sa mga nais makatulong, maaaring makipag-ugnayan kay Arthur Garcia sa numerong 0910-834-6390.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, Aeta, Capas, Tarlac, ayuda, enhanced community quarantine, lockdown, pagkain, gatas, katutubo, social amelioration program