27 bahay, natupok sa sunog sa Cebu

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 09:58 PM

Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay na natupok sa Sitio Lower Lipata, Barangay Linao sa bayan ng Minglanilla, Cebu. Jude Torres, ABS-CBN News

MINGLANILLA, Cebu – Umabot sa 27 bahay ang natupok ng sunog na sumiklab sa Sitio Lower Lipata, Barangay Linao, sa bayan ng Minglanilla, Cebu nitong Miyerkoles ng umaga.

Agad na nirespondehan ng Minglanilla Fire Station ang sunog dakong alas-10 ng umaga.

Ayon sa hepe ng Minglanilla Fire Station na si Senior Inspector Alvin Torreon, nagsimula ang sunog sa bahay ng pamilya Seboa.

May impormasyon din na nakuha ang Bureau of Fire Protection na may nagsunog raw sa loob ng bahay ng mga Seboa kaya agad kinustodiya ng awtoridad si Jeffrey Seboa. Siya ang itinuturo ng mga kapitbahay na nagsunog sa loob ng kanilang bahay.

Pero ayon Jeffrey, wala siya sa kanilang bahay nang mangyari ang sunog.

Kasamang natupok din ng apoy ang pitong factory ng kandila. Lumaki umano ang apoy dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay.

Umabot ng 20 minuto bago na-kontrol ng mga bumbero ang sunog na tinatayang nagdulot ng perwisyo na aabot sa P100,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.