Lalaking nanghampas umano ng tubo sa tsuper timbog

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 10:07 AM | Updated as of May 08 2019 01:55 PM

Arestado ang isang lalaki matapos umano nitong paghahampasin ng tubo ang isang jeepney driver sa lungsod ng Mandaluyong gabi ng Martes. 

Nakakulong na sa detention facility ng Mandaluyong police ang suspek na si Jonathan Versosa o alyas "Atan." 

Ayon sa asawa ng biktimang si alyas "Eli," inaayos ng kaniyang asawa ang pinapasadang jeep nang bigla na lang daw itong bumulagta. 

Base sa salaysay ng nakakita sa pangyayari na si alyas Toto, habang naglalagay ng pinto ng jeep ang biktima na si alyas Manuel, hinampas umano ito ng suspek gamit ang isang makapal na PVC pipe.

Nang napahiga na ang biktima ay patuloy pa rin sa paghampas ang suspek sa mukha ng biktima.

Agad na nakapagsumbong ang mga residente sa pulis kaya't narespondehan at nahuli ang suspek. 

Sa ngayon ay nagpapagamot ang biktima sa ospital. 

Napagalaman din na may kasong murder sa pananaksak ng kainuman noong bisperas ng Bagong Taon si Versosa. 

Hinahanda na ang kasong frustrated murder laban sa suspek. 

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.