'Total lockdown' sa barangay sa Mandaluyong, nagsimula na

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at May 07 2020 05:49 AM | Updated as of May 07 2020 08:41 PM

Watch more in iWantTFC

Nagsimula nitong Huwebes madaling araw ang total lockdown sa Welfareville Compound sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City na magtatagal hanggang sa Mayo 13.

Kabilang sa isinailalim sa total lockdown ang Nueve de Pebrero interior hanggang sa may Correctional Road. 

Ito ay para bigyang daan ang mass rapid diagnostic testing ng nasa 3,000 residente ng naturang lugar. 

Bawal munang lumabas ng kanilang mga bahay ang mga residente maliban na lang sa mga authorized persons outside of residence tulad na lang ng mga frontliners, healthworkers, at mga empleyado ng ilang mga kumpanya na nasa labas ng coumpound. 

Sarado rin lahat ng tindahan, palengke at lahat ng mga establishimento na nasa loob ng lugar maliban sa Correctional Institution for Women, Department of Health, POPCOM at ang dialysis center. 

Suspendido rin muna ang mga relief operational goods distribution sa nasabing lugar habang ipinatutupad ang lockdown. 

Kasama ng mga taga-baranggay ang mga tauhan ng Mandaluyong police sa pagbabantay sa mga kalsada. Ang lahat ng mahuhuling lalabag ay sasampahan ng karampatang kaso.

Samantala, inabot na ng lockdown ang pamamahagi ng ayuda mula sa Social Amelioration Program sa mga residente ng Barangay Addition Hills. 

Nagsimula ang pamimigay ng ayuda ng 9:30 ng umaga pero pasado alas-3 ng madaling araw natapos sa pamamahagi. 

Panawagan ng ilang residente na payagan silang makapamili ng pagkain lalo na 'yung mga madaling araw na nabigyan ng pera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.