PatrolPH

ALAMIN: Paghahanda ng transpo sector sa nagbabadyang 'new normal'

Doris Bigornia, ABS-CBN News

Posted at May 04 2020 08:00 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Pagsapit ng Mayo 16 sa pagtatapos ng enhanced community quarantine, "new normal" na ang sasalubong sa mga Pinoy kaya naghahanda na ang mga public utility vehicles para dito.

Sa inaasahang new normal sa mga bus, walang konduktor at armado ang driver ng mga alcohol at thermal scanner para i-check ang temperatura ng bawat pasahero.

Ang upuang pang dalawahan, isahan na lang.

Sa ilalim na inilabas na guidelines ng Department of Transportation (DOTr), limitado lang bawat bus company ang mapapayagang bumiyahe nang end to end sa EDSA. 

Mahigpit ang rekisitong physical distancing kaya kalahati lang ang masasakay ng mga pasahero. Ang dating 51 na pasahero sa bus, 26 na lang ang puwede.

Sagot ng mga operator ang alcohol at thermal scanners kaya sigurado na lugi sila sa bawat biyahe.

"Wala naman kaming magagawa kundi sumunod. Kesa walang kita," sabi ni Juliet de Jesus, presidente ng Samahan ng Transport Operators ng Pilipinas (STOP). 

Kinakausap na rin nila ang kompanya na makakapag-produce ng Beep cards para walang contact ang driver at pasahero. Bawal na kasi ang konduktor. 

Dahil siguradong lagapak ang kita, sinabi ni De Jesus na dapat silang saklolohan ng pamahalaan. 

"Kaya hinihiling namin sa gobyerno ang subsidy, tulungan kami sa petrolyo," aniya. 

Si William Ladrera na 20 taon nang driver-operator ng jeep, ramdam na ramdam ang hirap ngayong may pandemic.

Hindi pa modernized ang jeepney ni Ladrera kaya di pa sigurado kung pasok ito sa papayagang bumiyahe sa Mayo 16.

"Napakahirap talaga kaya lang kesa walang kainin ang pamilya ko. 
Wala kaming nakukuhang ayuda eh. Kaya pakiusap ko sa mga pasahero, sundin na lang ang magiging batas sa jeep," ani Ladrera.

Pakiusap ng mga driver gaya ni Ladrera, ibaba na ang guidelines para maihanda na nila ang kanilang mga jeepney.

Magpupulong ang mga jeepney at bus operators para sa kanilang mga ihaharap na panukalang sistema sa gobyerno para sa new normal.

Pero maliwanag anila na hindi magtataas ng pasahe ang jeep at bus kahit na palugi ang gagawin nilang biyahe simula Mayo 16. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.