Ilang atleta at coach sa Palaro, ninakawan sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at May 04 2019 02:50 AM

DAVAO CITY - Ninakawan ang ilang atleta sa Palarong Pambansa sa Davao City nitong Miyerkoles ng madaling-araw.

Pinasok ng kawatan ang kanilang sleeping quarters at tinangay ang mga cellphone.

Mula Northern Mindanao ang mga biktima at pawang mga gold medalists sa boxing.

Ayon kay Sunrise Seronay, hindi nila namalayan na pinasok sila ng kawatan.

"Malakas kasi ang ulan tapos tulog kami," aniya. Nabiktima rin ang kanilang coach.

Nahuli sa follow-up operation ang isang lalaki at nakuha sa kaniya ang 5 cellphone. Dalawa rito ay pagmamay-ari ng mga atleta.

Ayon kay Police Maj. Arquiomedes Wesley, station commander ng Calinan police, nakilala nila ang suspek sa pamamagitan ng CCTV footage.

Nakuhanan din ng kutsilyo ang suspek na mahaharap sa kasong theft at paglabag sa election gun ban. - Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.