Search and rescue tuloy dahil sa mga boses, text mula sa guho ng Porac | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Search and rescue tuloy dahil sa mga boses, text mula sa guho ng Porac

Search and rescue tuloy dahil sa mga boses, text mula sa guho ng Porac

ABS-CBN News

Clipboard

Sanhi ng pagguho ng Chuzon Supermarket iimbestigahan ng DPWH

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tuloy pa rin ang search and rescue team sa pagsagip sa mga natabunan ng gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga.

Nangyari ang pagguho sa apat na palapag na gusali matapos tamaan ng magnitude 6.1 na lindol ang ilang bahagi ng Luzon nitong Lunes.

Magmula alas-10 ng umaga nitong Martes ay lima na ang naitalang patay sa pagguho sa gusali, ayon sa Mayor's Office ng Porac.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, isa na lang ang hinahanap sa pagguho sa supermarket.

ADVERTISEMENT

Pero ipagpapatuloy ang operasyon dahil mayroon pa umanong senyales ng buhay sa loob ng gumuhong gusali.

"The rest naman ay na-rescue, more or less, 138 lahat 'yun nandito sa loob ng supermarket pero meron pang missing dito na confirmed one. Pero ang sabi ng ating mga rescuer, dalawa 'yung naririnig nila na (mayroong) sign of life," ani Año.

Agarang kumilos ang mga rescue team para mailigtas ang mga nasa loob ng supermarket, lalo na't may naririnig pang mga boses at may mga nakakapag-text pa umano sa mga kamag-anak.

Kabilang sa mga buhay na naisalba ang empleyado ng supermarket na si Jovie Balicuas.

"Dalawa kasama ko, nakalabas sila, lalabas sana ako, naanuhan ako ng locker," kuwento ni Balicuas.

ADVERTISEMENT

Samantala, naisalba rin si Roger Pacelo, ang kaniyang asawa, at ang anim na buwang gulang na anak na namimili ng paninda nang gumuho ang gusali.

Ayon kay Pacelo, nakakita sila ng daan papalabas ng gusali na kanilang sinundan matapos lumindol. Itinuring nila itong "himala."

"Napakahirap po. Wala kaming ibang ginawa kundi humingi ng habag sa Panginoon. Wala na kaming choice no’n," ani Pacelo.

Pero mayroon namang mga binawian ng buhay, kabilang ang mag-iina na mamimili sana ng paninda sa supermarket nang maabutan ng lindol.

Kuwento ng padre de pamilya na si Jason Dela Cruz, unang pumasok sa supermarket ang kaniyang asawa, tatlong taong gulang niyang anak na babae, at ang kaniyang anim na taong gulang na anak na lalaki.

ADVERTISEMENT

Ipinaparada niya lang ang kaniyang dalang traysikel nang lumindol at gumuho ang pamilihan.

"Segundo lang 'di ko sila naabot. Pupuntahan ko na sana paglingon ko wala na, bumagsak na 'yung building," ani Dela Cruz.

Samantala, isinailalim na sa state of calamity ang ikalawang distrito ng Pampanga matapos ang lindol.

Watch more in iWantv or TFC.tv

IMBESTIGASYON

Samantala, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng pagguho sa supermarket, na apat na taon pa lamang nakatayo bago mangyari ang lindol.

Inaalam ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung tama ba ang kapal at dami ng mga bakal na ginamit sa mga poste at iba pang construction material.

ADVERTISEMENT

"In terms of kapal ng semento na ginamit nila is it within the standards of DPWH? 'Yong foundation works. So marami pong mga technical na bagay,” ani DPWH Secretary Mark Villar.

Hawak na ngayon ng mga pulis ang may-ari ng Chuzon. Ayon kay Año, sisilipin din kung naaayon ang disenyo ng gusali sa pamantayan ng DPWH.

"Tingnan natin kung nasunod ba yung structural design niya. Supposedly ang isang building dapat ang kaya niya iyung intensity 8 na lindol," ani Año.

Pinasususpende na ng DILG ang lahat ng business permit ng mga branches ng Chuzon Supermarket, na may limang branches sa Pampanga at isang branch sa Bataan.

Iimbestigahan din kung may pagkukulang ang lokal na pamahalaan ng Porac sa pagbibigay nito ng permit sa supermarket.

-- Ulat nina Dennis Datu, Ron Gagalac, Michael Delizo, at Joyce Balancio, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.