PatrolPH

Palma Hall sa UP Diliman inihahanda bilang COVID-19 isolation facility

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 04:55 PM

Inihahanda na ang gusali ng Palma Hall sa University of the Philippines-Diliman (UP) campus sa Quezon City para magsilbing isolation facility ng mga pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19).

Sinimulan nang isaayos noong Sabado ang lobby at ikalawang palapag ng Palma Hall — na may 4 na palapag kung saan nagkaklase ang College of Social Science and Philosophy — para sa mga silid ng mga COVID-19 patient.

"Mayroon public health unit ang UP Diliman sa loob ng health service. Ito ang nangunguna ngayon sa health-related concerns ng community at naghahanda nito para sa COVID," ani UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo.

"Ang health workers ng UP ay kasalukuyang tine-train ng (Department of Health) sa pagha-handle ng COVID cases," dagdag ni Nemenzo.

Inalis na ang mga learning equipment sa mga kuwartong magsisilbing silid ng COVID patients, ayon kay Maria Bernadette Abrera, dean ng UP College of Social Science and Philosophy.

Ang custodial workers at volunteers naman ay mabibigyan ng hazard pay bagaman hindi magtatrabaho ang mga ito sa mismong isolation facility, ani Abrera.

Ang lobby ng gusali ang magiging triage habang ang ikalawa hanggang ikaapat na palapag ang magiging isolation rooms.

"Maximum ng 236 individuals (COVID patients) ang kaya sa Palma Hall," ani Abrera.

Wala namang nakikitang balakid sa schedule ng klase ng mga estudyante dahil hanggang Abril 30 lang ang pasok sa UP Diliman, ani Nemenzo.

Kapag humupa ang krisis sa COVID-19, paghahandaan din umano ng pamunuan ng UP Diliman para maging ligtas ang pagbabalik ng mga estudyante.

Ang Palma Hall ay ipinangalan kay Rafael Palma, ang ikaapat na naging pangulo ng UP.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.